Kinilala ng Bayan Muna bilang positibo ang kautusan kamakailan ng Energy Regulatory Commission (ERC) na isauli ng Manila Electric Co. (Meralco) ang halos ₱1.99 bilyon sa mga konsyumer nito. Hinimok nito ang ERC na tiyaking maayos na nakalakip ang refund sa mga bill o listahan ng bayarin sa kuryente.
Nakita ng ERC ang pangangailangan ng refund sa muling pagsusuri nito sa regulatory asset base ng Meralco. Isa sa nasilip nito ang pagpasa ng Meralco sa mga konsyumer sa ilang gastusin sa pensyon at benepisyo ng mga empleyado ng kumpanya. Ipinatupad ang pagsusuri alinsunod sa naging pasya ng Korte Suprema sa kasong inihain ng National Association of Electricity Consumers for Reforms.
Ayon sa Bayan Muna, matagal na nitong inilalantad ang pagpasa ng Meralco sa mga konsyumer ng mga gastos nito sa operasyon at iba pang gastusin ng kumpanya.
“Malugod naming tinatanggap ang kautusan ng ERC na pilitin ang Meralco na ibalik ang halos ₱2 bilyon sa bulsa ng mga ordinaryong pamilyang Pilipino,” ayon sa dating Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate.
Iginiit niyang dapat maghatid ng kuryente ang mga pampublikong yutilidad sa pinakamababang posibleng halaga. Aniya, hindi dapat ituring na walang limitasyong pondo ang bayarin ng mga sambahayan para tustusan ang mga gastusin ng korporasyon o pagpapahalaga sa mga ari-arian na kinuwestyon ng regulator.
Iniutos ng ERC na ipamahagi ang refund sa loob ng tatlong buwan, simula sa susunod na billing cycle. Para sa mga residential customer, ₱0.2611 kada kilowatt-hour ang refund, o tinatayang ₱52 kada buwan para sa sambahayang gumagamit ng 200 kilowatt-hour. Lalabas ito bilang hiwalay na aytem sa bill.
Sinabi ni Zarate na mahalaga ang bawat sentimong maibabalik laluna at nasasakdal ngayon ang maraming Pilipino sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, gasolina at kuryente. Aniya, ipinakikita rin ng refund na napasobra ang singil sa mga konsyumer sa loob ng maraming taon.
Nanawagan siya sa ERC na patuloy na i-awdit ang iba pang singil na ipinapasa ng Meralco sa publiko.
The post Ipatupad ang ₱2-bilyong refund ng Meralco sa mga konsyumer, panawagan ng Bayan Muna appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

