Nanawagan ang Philippines-Palestine Friendship Association (PPFA) nitong Linggo, Nobyembre 29, ng mas malawak na pakikiisa para sa mamamayang Palestino bilang paggunita sa International Day of Solidarity with the Palestinian People. Kasabay nito, kinundena ng grupo ang nagpapatuloy na pang-aatake ng US-Israel sa Gaza at henosidyo nito laban sa mga Palestino.
Sa isang pahayag, iginiit ng grupo na ang kasalukuyang tigil-putukan sa Gaza ay sa papel lamang at hindi nito winakasan ang pagdurusa sa Gaza at sa inokupang West Bank. Nagpapatuloy ang pagpapalayas sa mga Palestino sa kanilang mga tirahan, pangangamkam sa kanilang lupa, at maramihang detensyon ng mga Palestino.
“Inilalantad ng henosidyo sa Palestine ang kalupitan ng imperyalismong US,” ayon sa pahayag ng PPFA. “Inaarmasan at pinuprotektahan ng US ang gera at okupasyon ng Israel habang ipinapataw ang sarili nitong dominasyong militar, pang-ekonomya, at pampulitika sa Pilipinas at sa mga mamamayan sa buong mundo.”
Iniugnay ng PPFA ang kalagayan ng mga Palestino sa mga isyung panloob sa Pilipinas, partikular ang pagpapalawak ng presensyang militar ng US sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr. Isa sa pinakamatingkad na halimbawa nito ang pagpupumilit ng US na itayo ang isang “Pax Silica hub” sa Pilipinas na magbibigay-daan sa ibayong pandarambong sa mga kritikal na mineral at imprastruktura sa bansa.
“Ang ating pakikiisa sa Palestine ay dapat magpatibay sa ating pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya dito sa ating bayan,” dagdag ng PPFA. “Sa International Day of Solidarity with the Palestinian People, nananawagan ang PPFA sa lahat ng Pilipino na palawakin at palakasin ang kilusan para sa Palestine, ilantad ang pakikipagsabwatan ng US at mga kaalyado nito, at paigtingin ang ating laban kontra sa imperyalistang gera at pandarambong.”
Matinding krisis at pagkamatay ng mga manggagawang pangkalusugan sa Gaza
Itinampok ang internasyunal na araw ng pakikiisa sa harap ng lumalalang makataong krisis sa Gaza kung saan nagpapatuloy ang mga pag-atake, kakulangan sa pagkain, at pangwawasak sa natitirang mga imprastruktura at ospital.
Pinakahuli sa brutal na pang-aatake ng US-Israel ang nagresulta sa pagkamatay ng dalawang kawani ng internasyunal na grupong medikal na Medecins Sans Frontieres (MSF) o Doctors Without Borders noong Nobyembre 27. Namatay ang dalawang kawani na nagtatrabaho bilang mga walang-armas na gwardya sa isang drone strike ng Israel sa isa sa mga klinik nito sa Gaza City. Ayon sa grupo, umabot na sa 17 na mga kawani nito ang napatay ng Israel sa Gaza mula Oktubre 2023.
Bago nito, nakapagtala ang United Nations Office for the Coordination of Humanitarian Affairs (OCHA) ng ng 29 na napatay at 129 na nasugatan sa loob lamang ng Nobyembre 17–23. Iniulat din ng OCHA na 405 trak ng ayuda at pagkain ang pinigilan ng mga sundalo ng Israel na makapasok sa Gaza sa parehong panahon.
Bukod sa PPFA, nakiisa rin sa mga aktibidad, porum, at kilos-protesta sa Pilipinas at sa buong mundo ang iba’t ibang progresibong organisasyon at tagapagtaguyod ng karapatang-tao. Kabilang dito ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), International League of Peoples’ Struggle (ILPS), Moro-Christian People’s Alliance (MCPA), Anakbayan at Gabriela.
Sa pandaigdigang antas, naglabas ng mga pahayag ng pakikiisa ang United Nations Committee on the Exercise of the Inalienable Rights of the Palestinian People (CEIRPP), Amnesty International, at iba’t ibang koalisyon ng civil society para igiit ang pagwawakas ng okupasyon, pagpapanagot sa mga paglabag sa internasyonal na batas, at pagkilala sa karapatan ng mga Palestino sa sariling pagpapasya.
The post PPFA, nanawagan ng mas malawak na pakikiisa sa Palestine sa gitna ng patuloy na henosidyo sa Gaza appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

