Nanawagan ang Karapatan-Southern Mindanao Region (Karapatan-SMR) ng agarang pagpapalaya kina Merlita Cayog, Louvaine Erika “Beng” Espina at Charisse “Chaba” Bañez, na tinukoy nitong mga babaeng bilanggong pulitikal sa rehiyon.

Inilabas ng grupo ang panawagan sa pagsisimula ng 16 Araw ng International Day for the Elimination of Violence Against Women, na magtatapos sa paggunita sa Pandaigdigang Araw ng mga Karapatang Pantao sa Disyembre 10. Ayon sa pahayag nito, karahasan din laban sa kababaihan ang pag-aresto at pagkakakulong sa mga babae batay sa gawa-gawang kaso, gayundin ang paghihiwalay sa kanila mula sa kanilang mga pamilya at komunidad dahil sa pagtatanggol sa karapatan ng mamamayan.

Si Cayog ay isang magsasakang Bagobo-Tagabawa at tagapagtaguyod ng karapatan ng mga Lumad. Inaresto siya sa Makilala, North Cotabato, noong Mayo 20, 2021, kaugnay ng mga kasong pagpatay at iligal na pagmamay-ari ng baril. Mahigit limang taon na siyang nakapiit sa Digos City Jail ng Bureau of Jail Management and Penology, ayon sa Karapatan-SMR.

Si Espina, 26, ay isang aktibistang kabataan na naging organisador ng mga magsasaka at katutubo sa Southern Mindanao. Inaresto siya sa Bunawan, Agusan del Sur, noong Hunyo 13, 2025. Si Bañez, 38, dating UP student regent at lider ng kabataan, ay inaresto rin sa Bunawan sa parehong araw. Ayon sa grupo, kapwa sila nakakulong sa Patin-ay PCSMO.

Sa pahayag, sinabi ng Karapatan-SMR na lumaki si Cayog sa komunidad na nahaharap sa banta sa lupang ninuno at kabuhayan nito. Anito, hinubog siya ng kanyang amang si Matanem Monico Cayog, isang nakatatandang Bagobo-Tagabawa at tagapagtaguyod ng karapatan ng mga Lumad, upang ipaglaban ang lupang ninuno at karapatan ng kanyang komunidad sa pagpapasya sa sariling kinabukasan.

Samantala, nagsimulang makilahok si Espina sa mga usaping panlipunan noong nag-aaral pa lamang siya sa Polytechnic University of the Philippines, ayon sa grupo. Nakiisa rin siya sa mga manggagawang nagwelga sa mga export processing zone sa Laguna at kalaunan ay nakibahagi sa Lakbayan ng mga Pambansang Minorya. Ayon sa Karapatan-SMR, kalaunan ay nagpasya siyang makipamuhay at lumahok sa pakikibaka ng mga magsasaka at Lumad sa Southern Mindanao.

Bilang lider-estudyante sa University of the Philippines Los Baños, dating UP student regent at pambansang lider ng kabataan, nakilahok naman si Bañez sa mga kampanya hinggil sa badyet sa edukasyon, EDCA at APEC, at sa mga pagkilos bilang pakikiisa sa mga katutubo at kay Mary Jane Veloso. Ayon sa grupo, pinili niyang maglingkod sa mga magsasaka sa Southern Mindanao.

“Hindi mga kriminal ang tatlong babaeng ito,” ayon sa pahayag ng Karapatan-SMR. “Ang pagkakakulong sa kanila ay anyo ng karahasan ng estado laban sa kababaihan at babala sa mga babaeng nag-oorganisa at nagtatanggol sa karapatan ng kanilang mga komunidad.”

Nanawagan ang Karapatan-SMR sa kababaihan, mga tagapagtanggol ng karapatang-tao, taong-imbahan at sambayanan na makiisa sa panawagan para sa pagpapalaya kina Cayog, Espina at Bañez, gayundin sa iba pang babaeng bilanggong pulitikal.

The post Pagpapalaya sa mga babaeng bilanggong pulitikal, ipinanawagan ng Karapatan-SMR appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.