Nagpahayag ng mahigpit na suporta at pakikiisa ang mga manggagawa ng Yakult Philippines sa ilalim ng unyong Malaya-Drug Foods and Allied Workers Federation-Kilusang Mayo Uno (DFA-KMU) sa siyam na manggagawa ng Yakult Indonesia na iligal na sinisante sa trabaho. Ang siyam na manggagawa ng Yakult Indonesia ay tinanggal matapos hindi mabayaran ang halaga ng produktong hindi naibenta at nabulok.

Noong Nobyembre 26, isang protesta ang pinangunahan ng Independent Labor Union Yakult Indonesia Persada sa Cikarang, Indonesia para igiit na ibalik sa trabaho ang sinisanteng mga manggagawa. Nanawagan din silang itigil ang pamimilit ng kapitalista na bayaran ng mga manggagawa ang nabulok na mga produkto.

Ayon sa Malaya-DFA-KMU, dapat batikusin ang tanggalan dahil ang atake sa mga manggagawa kahit saan ay atake sa lahat ng manggagawa saanman. “Maaaring nagmula tayo sa magkaibang bansa, nagsasalita ng makaibang wika, at mayroong magkaibang kultura, ngunit pareho tayong mula sa uring manggagawa, nagkakaisa sa pakikibaka para sa dignidad, hustisya, karapatan ng manggagawa, at katiyakan sa trabaho,” pahayag ng Malaya-DFA-KMU.

Hinimok ng unyon ang mga kapwa manggagawa at unyonista na magsalita para sa mga sinisante. Marapat umanong iparamdam sa kanila na hindi sila nag-iisa at sinusuportahan sila ng kanilang kapwa manggagawa. “Ang inyong pakikibaka, ay aming pakikibaka!” ayon sa unyon.

“Sa pamamagitan ng pagkakaisa at internasyunal na pagkakapatiran, mapalalakas natin ang ating laban para sa karapatan ng manggagawa, dignidad, at katiyakan sa trabaho,” ayon sa DFA-KMU.

Nanawagan ang unyon at pederasyon sa Yakult Indonesia na agad na ibalik sa trabaho ang mga sinisante, igalang ang kanilang batayang mga karapatan, itaguyod ang hustisya at maging patas.

The post Mga manggagawa ng Yakult Philippines, nagpahayag ng pakikiisa sa sinisanteng mga manggagawa sa Yakult Indonesia appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.