Malawakang binatikos ng mga progresibong grupo at tagapagtanggol sa karapatang-tao ang pagpapatibay ng Court of Appeals sa hatol na maysala laban sa tinaguriang Talaingod 13 sa kasong child abuse (pang-aabuso ng bata). Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), ang desisyon ng korte ay malinaw na paggamit ng estado sa batas para gawing krimen ang pagtulong at pakikiisa sa mga pambansang minorya at iba pang aping sektor.
Ang Talaingod 13 ay binubuo nina dating ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, dating Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, administrador ng Salugpongan Learning Center na si Eugenia Victoria Nolasco, at mga guro ng paaralang Lumad. Sinampahan sila ng kaso kaugnay ng pagsaklolo sa mga guro at 14 na estudyante ng paaralang Lumad sa Sityo Dulyan, Barangay Palma Gil, Talaingod Davao del Norte noong Nobyembre 28, 2018.
Sila ay hindi makatarungang hinatulan na nagkasala noong Hulyo 15, 2024. Naghain ng apela ang Talaingod 13 sa Regional Trial Court 2 sa Tagum City noong Hulyo 22, 2024 para baligtarin ang hatol na ibinasura ng korte. Noong Disyembre 16, 2025, kinumpirma ng Court of Appeals sa Cagayan de Oro ang hatol na maysala matapos maghain ng apela ang kampo ng Talaingod 13.
Nagsampa sila ng motion for reconsideration sa Court of Appeals kaugnay ng desisyon nito noong Enero 6. Halos isang taon makalipas, naglabas ng desisyon ang korte noong Oktubre 22 na nagbasura sa mosyon at pinagtibay ang hatol na maysala laban sa Talaingod 13.
Ayon sa Bayan, ang kaso ng Talaingod 13 ay isa sa mga mukha ng pinaigting na panunupil sa ilalim ng rehimeng Marcos. Ipinakikita umano nito ang balangkas ng kriminalisasyon sa pagtindig para sa karapatang-tao, pagsupil sa paglaban ng mga komunidad, at pagbibigay-daan sa pandarambong sa bansa.
Dagdag ng grupo, mula sa mga komunidad ng Lumad sa Mindanao hanggang sa lupang ninuno ng mga Ayta sa Central Luzon at mga katutubo ng Kordilyera at Northern Luzon ay parehong makinarya ng panunupil ang ginagamit. “Para supilin ang paglaban ng mamamayan at buksan ang kanilang mga komunidad sa mga dayuhang korporasyon at sa Pax Silica para sa kapakinabangan ng US,” anito.
Sa Mindanao, nananatiling nakasara ang mga paaralang Lumad at patuloy na nagdurusa ang mga kabataang Lumad, mga guro, mga pinuno ng komunidad. Walang ring lubay ang banta ng militarisasyon at demolisyon sa mga pamayanang nagtatanggol sa kanilang lupang ninuno.
Kasunod ng desisyon ng Court of Appeals, muling nanawagan ang Bayan sa mga patriyotiko at demokratikong sektor na igiit ang pagbasura sa hatol laban sa Talaingod 13 at panagutin ang rehimeng Marcos. Kasabay nito, dapat din umanong ipagpatuloy ang mga pakikibaka at protesta laban sa Pax Silica, pangangamkam ng lupa, at pandarambong na puno’t dulo ng panunupil ng rehimen.
The post Pagpapatibay ng Court of Appeals sa hatol na maysala sa Talaingod 13, binatikos ng mga progresibong grupo appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

