Kinundena ng mamamayan ng Puerto Galera at San Teodoro, Oriental Mindoro ang pagdeklara sa mga prubinsya ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) bilang Mineral Reservation Area (MRA).

Ang Mineral Reservation Area (MRA) ay isang lugar na itinalaga ng pamahalaan, sa ilalim ng DENR, para sa ispesyal na pamamahala, pag-aaral, at paggamit ng mga yamang mineral na itinuturing na mahalaga sa pambansang interes. Bagama’t hindi nangangahulugan ang deklarasyong ito na agad na magaganap ang pagmimina, maaari itong magbukas ng posibilidad para sa mineral exploration at mining operations sa hinaharap.

Sasaklawin ng planong reservation ang siyam na barangay sa Puerto Galera-Tabinay, San Isidro, Baclayan, Dulangan, Villaflor, Poblacion, Santo Niño, Balatero, at Aninuan. Kasama rin ang anim na barangay sa San Teodoro- Bigaan, Ilag, Calsapa, Caaguitayan, Lumangbayan, at Calangatan. Katumbas nito ang nasa 10,265.3 ektaryang ng mabundok na lupa sa dalawang bayan sa hilagang Mindoro.

Ang Puerto Galero ay itinalaga bilang UNESCO biosphere reserve noon pang 1977. Itinatag din ng Presidential Decree No. 354 ang Puerto Galera at mga karatig-bundok nito, kabilang ang Bundok Alinyaban, Malasimbo, at Talipanan, bilang isang reservation para sa pananaliksik at pagtuturo.

Noong Nobyembre 24, naglunsad ng public hearing sa San Teodoro ang Mines and Geosciences Bureau (MGB)-DENR hinggil sa pagiging bahagi ng bayas ng MRA. Ang konsultasyon ang pang-anim at panghuling hearing na inilunsad ng ahensya na nagsimula noong Oktubre 20.

Tinawag ni Father Edwin Gariguez ng Diocesan Social Action Center ng Diocese of Calapan, isa sa dumalo sa public hearing, ang konsultasyon bilang palpak at ang panukala bilang hindi katanggap-tanggap at banta sa ekolohikal na kinabukasan ng Mindoro.

Aniya, sa simula pa lamang, naging kwestiyunable na ang pagdinig dahil sa kakulangan ng abiso sa mga lokal na upisyal at sa mga direktang apektadong komunidad, pati na rin ang hindi pagsunod sa DENR Memorandum Order No. 2007-06 na nag-oobliga ng masusing environmental mapping bago ang anumang konsultasyon. Bukod dito, nabalewala rin ang karapatan ng mga katutubo dahil sa kawalan ng sapat na partisipasyon at pagsunod sa proseso ng Free, Prior and Informed Consent (FPIC).

Sa kabila ng pahayag ng MGB na maliit lamang ang inaasahang deposito ng mineral, iginigiit pa rin nitong ideklara ang mahigit 10,000 ektarya bilang reserbasyon. May kinikilingan din ang kanilang presentasyon na nakatuon lamang sa pang-ekonomiyang benepisyo ng pagmimina habang minamaliit ang banta nito sa mga kritikal na ekosistema tulad ng Northern Mindoro Forest Reserve, Linao-Cawayan Watershed, Puerto Galera Biosphere Reserve, at Verde Island Passage.

Dagdag dito, mapanlinlang din ang katwiran ng ahensya na hindi pa ito aktwal na pagmimina, sapagkat nagbubukas na ito ng ligal na daan para sa eksplorasyon sa hinaharap. Sa usaping legal, nabigo ang MGB na ipaliwanag ang epekto ng kasalukuyang FTAA No. 03-2008-IVB na sumasakop sa kaparehong lugar. Higit sa lahat, tahasang binalewala ang mga umiiral na Presidential Proclamation na nagpoprotekta sa nasabing kagubatan at reserba, na malinaw na lumalabag sa pagbabawal ng pagmimina sa mga protected areas sa ilalim ng Section 19 ng Philippine Mining Act of 1995.

Sa harap nito, lumalawak ang pagtutol sa panukala. Noong Nobyembre 23, naglabas ng resolusyon ang sangguniang panlalawigan ng Oriental Mindoro na tumututol sa panukala ng DENR. Sa parehong araw, naglabas din ng resolusyon ang Sangguniang panlalawigan ng Puerto Galera na pormal nilang tinututulan ang pagsama sa bayan bilang bahagi ng MRA.

Noong Nobyembre 25, naglabas ng dalawang resolusyon ang Sangguniang panlalawigan ng Calapan Cty na tutumutol sa deklarasyong MRA sa dalawang bayan at na inaatasan ang Calapan City Legal Office na aralin ang ligal na batayan, saklaw at at heograpikal na sakop ng minumungkahing reservation, kabilang ang pagkakaugnay nito sa mga umiiral na patakarang pangkapaligiran ng lalawigan at lokal na pamahalaan, partikular na ang Ordinance No. 131-2022 o ang moratorium laban sa malakihan at maliit na porma ng pagmimina sa prubinsya sa loob ng 25 taon.

Nagsumite din ang ng position paper sa DENR sina Fr. Edwin Gariguez, Fr. Nestor Adalla, parish priest ng Puerto Galera, at Fr. Ronald Rodriguez, parish priest ng San Teodoro.

Nagpahayag din ng pakikiisa ang Kabataang Mindoreño para sa Progresibong Pagbabago sa panawagan ng mamamayan ng Puerto Galera at San Teodoro. Nananawagan ang grupo sa lahat ng mamayan na magkaisa at ipakita ang nagkakaisang hangarin na protektahan ang kalikasan at pagtutol sa pagdeklara sa mga bayan bilang MRA.

The post Pagdeklara sa Puerto Galera at San Teodoro bilang Mineral Reservation Area, kinundena ng mga residente appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.