Nagtungo sa Office of the City Prosecutor sa Muntinlupa City ang mga inarestong lakbayani ng Southern Tagalog noong Nobyembre 25 para maghain ng kanilang pinagsamang kontra-salaysay para pasubalian ang patung-patong na mga kasong kriminal na isinampa sa kanila ng mga pulis. Ayon sa National Union of People’s Lawyers (NUPL), grupo ng mga abugadong kumakatawan sa mga lakbayani, 227 na mga lakbayani ang naghain ng kontra-salaysay.

Itinanggi nila ang mga alegasyon ng paglabag sa Batas Pambansa Blg. 880 (Public Assembly Act), serious disobedience, at grave coercion. Ang mga kasong kinahaharap ng mga lakbayani ay kaugnay ng Lakbayan ng Southern Tagalog at kampuhan kontra Pax Silica at pagbisita ni Trump sa Sucat People’s Park sa Muntinlupa City noong Nobyembre 15 kung saan 236 sa kanila ang inaresto.

Ayon sa NUPL, inilantad sa kontra-salaysay ang malalaking kakulangan sa mga paratang ng pulis. Nabigo umano ang mga pulis na isa-isang tukuyin ang mga akusado, lalo na ang linawin at pag-ibahin ang umano’y partisipasyon ng bawat isa sa mga ibinibintang na paglabag.

“Sa halip, basta-basta na lamang nitong pinagsama-sama ang daan-daang indibidwal at ipinataw sa kanila ang pananagutang kriminal nang hindi pinatutunayan kung ano ang ginawa ng bawat isa,” ayon sa NUPL. Isa umano itong garapalang pagbalewala sa mga pinakabatayang rekisito ng wastong proseso sa batas.

Ayon sa mga larawan at bidyong nakuhanan, makikitang sapilitang kinaladkad, binitbit at marahas na inaresto ng mga pulis ang mga lakbayani. Pinagdadampot nila ang sinumang makita kabilang ang 29 magsasaka at katutubong Mangyan, 19 na mamamahayag, at 19 na mga bata.

Ikinulong sila sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City, habang ang mga bata ay dinala sa Bahay Pag-asa na isang pasilidad ng Department of Social Welfare and Development sa Muntinlupa City. Pinalaya lamang sila noong Nobyembre 19 matapos ang lubhang mabagal at pinatagal na pagproseso ng kanilang mga dokumento.

“Lubha naming kinukundena ang pagtatangkang gamitin ang sistema ng hustisyang kriminal bilang instrumento ng pampulitikang panunupil,” pahayag ng NUPL. Pagdidiin ng grupo, ang karapatang magprotesta ay hindi isang pribilehiyo na ipinagkakaloob ng pulis, at hindi rin isang pabor na maaaring ipagkait o bawiin ng mga awtoridad kung kailan nila gustuhin.

Nanawagan ang NUPL na agarang ibasura ang lahat ng walang batayang kaso na isinampa laban sa mga lakbayani. “Isang kalapastanganan ang kasuhan ang taumbayan dahil lamang sa paggamit ng mga kalayaang mismong ang Konstitusyon ang nagtitiyak,” anito.

Sa halip, anito, dapat papanagutin ang estado sa patuloy nitong pag-abuso sa kapangyarihan para supilin ang demokratikong karapatan ng mamamayan. “Nasa mamamayan ang lahat ng karapatang magmartsa, magsalita, magtipon at manawagan. Walang kahit anong gawa-gawang kaso ang makapag-aalis ng mga karapatang iyon sa kanila,” anang grupo.

Nagpahayag ng pakikiisa at pagkundena ang 10 internasyunal na organisasyon ng mga abugado at tagapagtaguyod ng karapatang-tao sa ginawang pag-aresto at pagkakaso sa mga lakbayani. Nanawagan silang ibasura ang nalalabing kasong kriminal na isinampa sa mga lakbayani at panagutin ang mga pwersa ng estado na lumabag.

Ang mga organisasyong sumulat ay ang European Center for Not-for-Profit Law Stichting (ECNL), The Associação Lusófona dos Direitos Humanos-PLUDH, Centre for Democracy and Rule of Law (CEDEM) ng Ukraine, Progressive Lawyers Association (ÇHD) ng Turkey, National Lawyers Guild, Robert & Ethel Kennedy Human Rights Center, Center for Research and Elaboration on Democracy (CRED) ng Italy, International Association of Democratic Lawyers (IADL), European Association of Lawyers for Democracy and World Human Rights (ELDH) at Basque Observatory of Human Rights. Ipinadala nila ang sulat sa upisina ni Pang. Ferdinand Marcos Jr, Korte Suprema, Department of Justice, Department of the Interior and Local Government, Office of the Ombudsman, Philippine National Police, at National Capital Region Police Office.

Ayon sa NUPL, pinagtitibay ng pakikiisa ng mga organisasyong ito na ang panunupil sa mapayapang protesta sa Pilipinas ay isang usaping may pandaigdigang halaga.

The post Mga inarestong Lakbayani ng Southern Tagalog, naghain ng kontra-salaysay appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.