Nagwelga ang mga manggagawa sa Transport Operations Group ng Coca-Cola Europacific Aboitiz Philippines (CCEAP) sa pitong erya ng kumpanya simula Nobyembre 26 sa harap ng patuloy na pambabarat ng kumpanya sa Collective Bargaining Agreement (CBA). Nakapiket ang mga delivery sales representatives, sales service representatives, at fleet operation staff sa tig-dalawang planta sa Bulacan at Quezon City, at tig-iisa sa Maynila, Parañaque City at Rizal.
Kasalukuyang nakapako sa ₱812 ang arawang sahod ng mga manggagawa. Tumatanggi ang kapitalistang CCEAP na itaas ang kanilang sahod at itama ang “wage distortion” na nagpapanatiling mababa sa sahod ng matatagal nang manggagawa.
Pinagkakaitan rin sila ng benepisyo dahil hindi sila itinuturing na mga manggagawa ng Coca-Cola kundi ng The Redsystems Company Inc. na isang in-house agency na pinagmamay-arian naman ng parehong kapitalista. Inirereklamo rin nila ang kawalan ng karampatang kumpensasyon sa mahabang oras ng trabaho, aberya habang nagdedeliber, labis na pagkalantad sa init, aksidente sa daan at obertaym.
Mayroon din silang kinahaharap na banta ng malawakang tanggalan dahil sa inaasahang pagpapasok ng papalaking bilang ng mga third-party delivery truck. Iginigiit ng mga manggagawa sa negosasyon sa CBA ang nakabubuhay na sahod, dagdag na benepisyo, at mas maayos na kundisyon sa paggawa.
Nagpahayag ng mahigpit na suporta sa mga manggagawa ang iba’t ibang asosasyon, unyon, pederasyon at pambansang sentro sa paggawa.
Sa piketlayn sa Bulacan, direktang sumporta sa mga manggagawa ang Samahan at Sandigan ng Manggagawa sa Meycauayan at Marilao. Noong Nobyembre 27, nagtungo rin sa piketlayn si Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Jane Elago para makiisa sa welga.
Inihayag naman ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na nakasuporta sa welga ang milyun-milyong manggagawang Pilipino na biktima ng parehong sistema ng pambabarat at pagsasamantala sa ngalan ng tubo ng malalaking kapitalista. “Higit nating patatagin ang ating pagkakaisa hanggang magtagumpay. Sapagkat ang inyong tagumpay ay tagumpay ng bawat manggagawa na naghahangad ng nakabubuhay na sahod at kaseguruhan sa trabaho,” anito.
Maliban sa ikinasang welga ng Transport Operations Group CCEAP sa Greater Manila, limang iba pang unyon ng manggagawa sa Coca-Cola (tig-dalawa sa Pampanga at Davao at isa sa Misamis Oriental) ang nagsumite na ng Notice of Strike para ipaglaban ang kanilang mga karapatan sa nagdaang mga buwan.
Ang CCEAP, na dating Coca-Cola Beverages Philippines, Inc, ay 60% na pag-aari ng Coca-Cola Europacific Partners, multinasyunal na nakabase sa United Kingdom) at 40% pag-aari ng Aboitiz Equity Ventures, Inc. Pinatatakbo nito ang 18 planta at tinatayang 70 distribution center at sales office sa buong bansa na may tinatayang 9,000 manggagawa.
The post Mga manggagawa sa operasyong transport ng Coca-Cola, nagwelga appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

