Kinundena ng grupo sa karapatang-tao na Defend Mindoro ang pag-aresto at pagsasampa ng mga kasong kriminal ng mga pulis at 1st IB laban sa isang sibilyan sa Sityo Gatol, Barangay San Roque, Bulalacao, Oriental Mindoro noong Nobyembre 23. Ang sibilyan na dinakip ng pulis at militar ay pinalalabas na isang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na nakasagupa ng tropang militar noong umaga sa araw na iyon.

Pinalabas ng mga pwersa ng estado na nadakip ang naturang sibilyan noong hapon ng Nobyembre 23 at nakumpiska sa kanya ang isang ripleng M16. Sa inilabas na ulat ng Bulalacao Municipal Police Station, sinampahan ang naaresto ng mga kasong tangkang pagpatay at illegal possession of firearms.

Maliban sa naarestong sibilyan, mayroon pa umanong dalawa pang dinakip ang pulis at militar. Sa panayam ng Radyo Mindoro News Network kay BGen. Melencio Ragudo, kasalukuyang commander ng 203rd IBde, sinabi niyang ang dalawa ay dinala sa istasyon ng pulis matapos “mahuli” sa proseso ng paghahabol sa yunit ng BHB.

“Lubos na kinababahala ng Defend Mindoro ang impormasyong natanggap ng aming tanggapan na pawang mga sibilyan at hindi mandirigma ng New People’s Army ang mga indibidwal na inaresto,” pahayag ng grupo. Nauna na ring nagpahayag ang BHB-Mindoro (Lucio de Guzman Command) na totoo ang nangyaring labanan sa pagitan ng yunit nito at ng 1st IB sa Sityo Gatol ngunit ligtas na nakaatras ang lahat ng mandirigma nito noong umaga.

Nanawagan ang Defend Mindoro sa 1st IB, sa 203rd IBde at 2nd ID na agarang palayain ang inarestong mga sibilyan at ibasura ang gawa-gawang mga kaso laban sa kanila. Hinimok naman ng grupo ang mga Mindoreño na papanagutin ang mga sundalo sa paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas o IHL.

Nakasaad sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL), kasunduan sa pagitan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines, ang mga karapatang dapat pangalagaan sa mga eryang maryoong armadong sigalot. Nilabag ng pag-aresto sa mga sibilyan ang Ika-3 Bahagi (Paggalang Sa Mga Karapatang Pantao), Artikulo 5: “Ang karapatan para maging malaya, partikular laban sa walang batayan at walang katwirang pang-aaresto at pagkakakulong at para epektibong magamit ang pribilehiyo ng writ of habeas corpus.”

“Muli’t muli, ating kundenahin ang nagpapatuloy na gyera kontra-mamamayan na pinaiiral ng 1st IBPA, lalong-lalo na ng 203rd IBde sa isla ng Mindoro at 2nd ID sa Southern Tagalog,” panawagan ng Defend Mindoro.

The post Pag-aresto ng 1st IB sa sibilyan sa Oriental Mindoro, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.