Mariing kinundena ng lokal at internasyunal na mga grupo sa karapatang-tao ang pagkamatay si Wialo Silak, isang lider-estudyante sa Cenderawasih University, noong Nobyembre 21 sa isang ospital sa Waena, Jayapura. Namatay siya halos pitong linggo matapos bugbugin ng mga pulis ayon sa Human Rights Monitor.
Si Silak ang tagapangulo ng Student Consultative Council ng unibersidad. Ayon sa ulat, nagtamo siya ng mga pinsala sa mukha at ulo mula sa pambubugbog sa himpilan ng pulis sa Jayapura noong Setyembre 30. Kalaunan, nakaranas siya ng tuluy-tuloy na pananakit ng ulo at lumalalang kalagayan sa kalusugan.
Naganap ang pambubugbog sa himpilan ng pulis kung saan ipinatawag si Silak at iba pang mga estudyante kaugnay sa isinagawa nilang mapayapang protesta noong Agosto 15 para gunitain ang New York Agreement. Ayon sa Human Rights Monitor, apat na myembro ng student executive council ang tinanong ng mga pulis kaugnay ng pagkilos. Walang ulat na kinasuhan si Silak.
Iniulat ng Human Rights Monitor na nagkaroon si Silak ng malubhang impeksyon sa gitnang bahagi ng kanang tainga at sa buto sa likod nito, kasama ang mga komplikasyong maaaring nakaapekto sa loob ng bungo. Kagyat na hiling ng pamilya ang independyenteng imbestigasyon sa kanyang pagkamatay.
Ang New York Agreement ay kasunduan noong 1962 sa pagitan ng Netherlands at Indonesia tungkol sa pamamahala sa dating West New Guinea, na ngayo’y tinatawag na West Papua. Itinakda nito na ililipat muna ang pamamahala sa teritoryo sa pansamantalang administrasyong United Nations, bago ito mapunta sa Indonesia. Iginigiit ng mamamayang Papuan na hungkag ang kasunduang ito dahil ipinagkakait nito, hanggang sa kasakuluyan, ang karapatan ng mamamayang Papuan para sa sariling pagpapasya.
The post Estudyanteng lider sa West Papua, namatay ilang linggo matapos bugbugin ng pulis appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

