Bitbit ang diwa ni Andres Bonifacio, patuloy na isinusulong ng Kabataang Makabayan-Lucille Gypsy Zabala ang tunay na kalayaan at demokrasya sa ika-62 anibersaryo ng Kabataang Makabayan.
Lantad na lantad ngayon ang kasahulan ng imperyalistang pandarambong sa pamamagitan ng Pax Silica na pagpapatuloy lamang ng matagal nang polisiya na pagbaon sa atin sa dayuhang pangungutang habang binabansot ang agrikultura at nananatiling walang mga industriya sa bansa. Nitong mga nagdaang linggo, lalo lamang pinatunayan ng rehimeng Marcos Jr na wala itong ibang plano kundi ang magpakatuta sa imperyalistang US, kahit pa buhay at soberanya ng sambayanang Pilipino ang nakataya.
Ipapahamak tayo ng mga tuta at himod-pwet na mga pulitikong gaya ni Marcos Jr na handa tayong ipagkanulo para sila ang makinabang. Ipapahamak tayo ng mga tutang nais tayong ipain sa China para sa isang bagong digma sisira sa ating kinabukasan. Ipapahamak tayo ng bulag na pag-asa sa mga idolo sa eleksyon na kailanma’y wala pa ring naidudulot na pagbabago, na ang dinala lang nitong mga nakaraan ay gera kontra droga, pandarambong ng kaban ng bayan, at pagmahal ng mga bilihin!
Pasismo! Iyan na ang sagot ng mga nang-aapi sa mga militanteng mangahas na nakikibaka. At nasaksihan natin ito matapos marahas na inaresto at kinulong nang walang kaso ang mahigit 200 na mamamayang nagpoprotesta kasama ang mga Lakbayaning naglakbay pa mula Timog Katagalugan. Ngunit hindi nito napigilan ang pagsiklab ng malawak na pagkilos ng mamamayan sa Ilocos, Isabela hanggang sa Mindanao.
Ngayon pinagbubuklod tayong mga mamamayan at kabataan ng Pax Silica, mula sa mga magsasaka at katutubong mawawalan ng lupa, tubig na ipagkakait sa mga kabahayan, pagkasira ng ating kalikasan at pag-agaw sa atin ng kalayaang magpasya. Kailangan nating tumindig at umasa sa ating sariling lakas at pagkakaisa upang harapin ang mga bwitre na nagpipyesta sa kanilang pandarambong at pagpatay sa demokrasya sa bansa.
Huwag tayong mawalan ng pag-asa, dapat sama-sama tayong lumaban at lumaban nang paulit-ulit hanggang maibagsak ang naghaharing sistema. Palagablabin natin ang apoy ng demokratikong rebolusyong bayan kasama ang lakas ng masang anakpawis. Tayo ay magpasyang tumungo sa kanayunan upang wakasan ang imperyalistang pandarambong, pyudal na pagsasamantala, korapsyon at pasismo sa mamamayan.
Kagaya ni Andres Bonifacio at ng mga Katipunero, alam naming sa ating paglaban lamang natin makakamit ang mas malayang kinabukasan para sa sambayanang Pilipino!
Mabuhay ang Kabataang Makabayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Pambansang Demokratikong Prente!
Kabataan, tumungo sa kanayunan, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!
The post Kabataan, labanan ang imperyalistang pandarambong! Isulong ang digmang bayan hanggang sa ganap na tagumpay! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

