Sa pamumuno ng Diocese of Virac, naglunsad ng protesta na may temang “Sarong Kusog Kontra Mina: Solidarity Rally Against Mining” sa harap ng Provincial Capitol at Plaza Rizal Covered Court sa Virac, Catanduanes ang nasa daan-daang mga residente ng bayan ng Caramoran at San Andres noong Nobyembre 25. Ipinahayag nila dito ang kanilang pagtutol sa anumang uri ng pagmimina sa kanilang prubinsya.
Kasabay ang mga protesta sa isinasagawang multisectoral dialogue para sa pagbabawal sa pagmimina sa Catanduanes sa loob ng kapitolyo, na pinangungunahan ng lokal na gubyerno.
Kabilang sa lumahok ang mga residente mula sa mga Barangay ng Obi, Hitoma, Bulalacao, Iyao, Salvacion, Guiamlong, Inalmasinan mula sa bayan ng Caramoran; mga residente mula sa Barangay ng Cabungahan, Lubas at Manambrag sa bayan ng San Andres; iba’t ibang environmental at mountaineering group, fraternities, mga estudyante at mga taong simbahan. Nagkakaisa ang kanilang sigaw na -“Ang kaipuhan, aksyon! Imbestigasyon, dae pagpaawat-awaton. Mina, patungon!” (Ang kailangan ay aksyon! Imbestigasyon, hindi na patagalin pa, Mina, wakasan) bilang panawagan para sa agarang aksyon at tuloy-tuloy na imbestigasyon sa isyu ng pagmimina.|
Inilunsad ang protesta kasunod ng panawagan ni Bishop Luisito A. Occiano ng Diocese of Virac na magpatupad ng moratorium sa mga aktibidad ng pagmimina na nagdudulot ng seryosong panganib sa kalikasan at kaligtasan ng publiko. Nagbabala ang obispo sa posibleng epekto ng pagmimina sa mga pinagkukunan ng tubig, lupang sakahan, pangisdaan at kabuhayan ng mga residente.
Ayon sa mga residente, nakasalalay sa maayos at ligtas na kapaligiran ang kabuhayan ng maraming Catandunganon, lalo na ang mga magsasakang umaasa sa lupa at tubig para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Diin nila, ang pangangalaga sa likas na yaman ay lamang tungkol sa pagpapanatili ng ganda ng isla, kundi tungkol din sa pagprotekta sa kabuhayan, kaligtasan, at kinabukasan ng mga susunod na henerasyon.
Sa kaugnay na balita, isinuspinde ng Department of Environment and Natural Resources–Environmental Management Bureau (DENR-EMB) Region V ang Environmental Compliance Certificate (ECC) ng Almario Small-Scale Coal Mining Project sa Barangay Obi, Caramoran, dahil sa mga umano’y paglabag sa mga kondisyon ng environmental clearance nito.
Sa liham na may petsang Nobyembre 25 na ipinadala sa proponent na si Adelbert Z. Almario, sinabi ng EMB na mananatiling suspendido ang ECC hangga’t hindi lubusang naitatama ang mga paglabag.
Batay sa monitoring ng ahensya noong Oktubre 11, natukoy ang hindi umano pagsunod sa mga kondisyon ng ECC, na paglabag umano sa Section 9 ng Presidential Decree No. 1586. Dalawang Notice of Violation ang inilabas noong Oktubre 19 at Nobyembre 12, kabilang ang clearing operations na isinagawa nang wala sa pinahihintulutang lugar.
Noong Nobyembre 26, nagpahayag si Sharon Garin, kalihim ng Department of Energy na “for cancellation” na ang permit ng Almario Small-Scale Mining.
Nagsimula ang operasyon ng Almario Mining noong Oktubre sa kabila ng polisiya na pagbabawal sa pagmimina sa Catanduanes sa bisa ng Provincial Order No. 031-2023 na nilagdaan noong December 4, 2023. Binigyan naman ng DOE ang kumpanya ng permit noong 2024 at 2026. Saklaw ng mina ang nasa 5 ektaryang lupain sa barangay Obi, Caramoran.
The post Mga mamamayan ng Catanduanes, tutol sa pagmimina sa kanilang prubinsya appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

