Natunton na ng mga grupo sa karapatang-tao ang kinaroroonan ng dalawang organisador ng mga magsasaka sa Batangas na dinukot ng mga pwersa ng estado noong Nobyembre 23 sa bayan ng Tuy. Natagpuan ng Karapatan-Southern Tagalog sina Samantha Mariano at Jomar Caraan sa San Mateo Municipal Police sa Rizal noong Nobyembre 25.
Bumisita ang tim ng Karapatan-ST sa kulungan at dinalhan ng ng mga pagkain, damit, gamot, at iba pang pangangailangan ang dalawang inaresto. Nanawagan ang grupo sa Philippine National Police San Mateo at kay PLTCOL Arnel Tabaog na igalang ang mga karapatan ng dalawa at tiyakin ang kanilang kaligtasan at maayos na kalagayan.
Sina Mariano at Caraan ay mga pultaym na organisador ng Samahang Magbubukid ng Batangas (SAMBAT). Ayon sa SAMBAT, nasa bayan sila ng Tuy para sa serye ng mga konsultasyon sa mga manggagawang bukid at magtutubo sa papalapit na iluhan ng tubo sa Disyembre.
Bago naglingkod sa hanay ng mga magsasaka, si Mariano ay naging lider-estudyante sa College of Fine Arts sa University of the Philippines-Diliman at myembro ng pangkulturang grupo na Alay Sining. Si Caraan naman ay nagmula sa pamilya ng mga magsasaka sa Hacienda Yulo sa Laguna at maagang namulat dahil sa mayamang pakikibaka ng mga magsasaka sa Sitio Buntog, parte ng mahigit 7,000 ektaryang Hacienda Yulo.
Noong Agosto, nagpakalat ang 80th IB at mga Facebook page na may kaugnayan dito ng mga “wanted” na larawan nina Mariano at Caraan. Pinararatangan sila ng patung-patong na mga kasong kriminal at may inialok na pabuya para sa kanilang pagkakadakip na tig-₱100,000.
Si Mariano ay sinasabing may kaso ng tangkang pagpatay. Samantala, si Caraan ay pinalalabas na may mga kaso ng tangkang pagpatay, kidnapping, pagpatay at bigong pagpatay. Ang mga kasong kinahaharap nila ay nakasampa sa Regional Trial Court (RTC) Branch 65 sa Infanta, Quezon.
Nanawagan ang iba’t ibang grupo ng mga estudyante, kabataan, magsasaka at iba pang demokratikong na ibasura ang mga kasong isinampa laban kina Mariano at Caraan. Kabilang sa kanila ang administrasyon at konseho ng mag-aaral ng UP Diliman CFA, at mga grupo sa UP. Iginigiit nila ang agarang pagpapalaya sa dalawang inaresto at iba pang bilanggong pulitikal.
“Hindi krimen ang magmulat at mag-organisa, lalo kung patuloy na tinatapakan ng ating gobyerno ang kabuhayan ng mga magsasaka at iba pang batayang sektor,” pahayag ng Karapatan-ST. Hinimok nito ang mga sektor na patuloy na magbigay ng suporta para kina Mariano at Caraan at makiisa sa panawagang palayain sila.
The post 2 dinukot na organisador ng magsasaka sa Batangas, natunton na appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

