Nainsulto ang mga manggagawa at manggagawang-bukid ng rehiyong Ilocos at Cagayan Valley sa barya at papatak-patak na ₱30-₱40 dagdag-sahod para sa kanila. Inaprubahan ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang atas para sa dagdag-sahod noong Nobyembre 25.

Ayon sa sentrong unyon na Kilusang Mayo Uno (KMU), malinaw na walang aasahang alwan ang mga manggagawa habang pinananatili ng gubyerno ang sistema ng pambabarat at pagpapako ng sahod. Anang grupo, malinaw ang tatak ng mga regional wage board sa ilalim ng rehimeng Marcos: BBM o Bulok, Barat at Makupad.

Sa Ilocos Region, magtataas ng ₱35 hanggang ₱40 ang arawang minimum na sahod sa bisa ng Wage Order No. I-25. Magkakabisa ang atas simula sa Disyembre 14.

Sa mga negosyong hindi agrikultural na mayroong mahigit 10 manggagawa, tataas ang arawang sahod ng ₱40 mula ₱505 tungong ₱545. Hahatiin naman sa dalawang bigayan ang ₱35 dagdag-sahod para sa mga nasa sektor ng agrikultura at mga negosyong may mas kaunti sa 10 empleyado. Itataas nito ang ₱480 na arawang sahod tungong ₱515. Itataas rin ang buwanang sahod ng mga kasambayan mula ₱6,700 tungong ₱7,150.

“Sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin at pagkakapako ng sahod sa napakababang halaga, limos lamang na ₱515-₱545 kada araw na minimum wage ang kayang ibigay ng gubyernong Marcos Jr at DOLE sa mga manggagawa na bumubuhay sa ekonomya ng bansa,” pahayag ni Eduardo Rimando, tagapagsalita ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Ilocos.

Aniya, nakagagalit na habang ang mga malalaking korporasyon kabilang ang mga pagmamay-ari ng mga kroni ni Marcos Jr ay tumatabo ng bilyon-bilyong kita, barya at papatak-patak lamang ang sahod na ibinibigay sa mga manggagawa. “Muling nananawagan ang Bayan-Ilocos na dapat itaas ang sahod ng mga manggagawa, hindi lamang sa Ilocos, kundi sa buong bansa,” dagdag ni Rimando.

Samantala, bibigyan ng ₱30-₱40 dagdag-sahod ang mga manggagawa sa Cagayan Valley na hahatiin pa sa dalawang yugto ng bigayan. Tataas sa ₱540 mula ₱500 ang arawang sahod sa mga syudad ng Tuguegarao, Cauayan, Ilagan at Santiago, habang magiging ₱530 naman sa iba pang munisipalidad sa rehiyon. Magiging ₱7,000 naman ang buwanang sahod ng mga kasambayan sa rehiyon mula ₱6,500. Ipatutupad ito sa Disyembre 16.

Ipinagmamalaki ng kalihim ng DOLE na dumaan sa pag-aaral at konsultasyon ang inaprubahan nitong dagdag-sahod. Taliwas dito, sa pag-aaral ng Ibon Foundation noong Oktubre, kailangan ng manggagawa ng sahod na ₱1,327 kada araw o ₱28,860 kada buwan para disentang buhayin ang isang pamilya na may limang myembro.

“Napupuno na ang salop naming mga manggagawa sa kainutilan ni Bongbong bilang Pangulo. Patapos na ang termino niya pero walang signipikanteng pag-unlad sa buhay ng manggagawa,” pahayag ni Jerome Adonis, tagapangulo ng KMU. Sa darating na Nobyembre 30, magsasagawa ng pambansang protesta ang KMU, mga pederasyon at unyon sa ilalim nito, at mga alyado nito sa Bayan para singilin at itakwil ang papet, korap, pahirap at pasistang rehimeng US-Marcos.

The post Dagdag-sahod sa Ilocos, Cagayan Valley, barya at patak lamang ayon sa mga manggagawa appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.