Binatikos ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang katatapos lamang na pagsasanay ng US sa 40 piling tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa bagong tayong “regional security hub” nito sa Pagadian City, Zamboanga del Sur.
Bahagi ang pagsasanay ng Anti-Terrorism Assistance (ATA) ng US Department of State. Una nang binatikos ng PKP ang pagtatayo ng “regional security hub” na anito ay magpapatining sa panghihimasok ng mga dayuhan at magbibigay-daan sa dagdag na mga paglabag sa karapatang-tao sa tabing ng “kontra-terorismo.”
Nagtapos ang 24 na tauhan ng Special Action Force (SAF) at 16 na eksperto sa Explosive and Ordnance Disposal (EOD) sa mga kursong Crisis and Response Training at Explosive and Ordnance Disposal noong Nobyembre 25. Inihayag ni Jonathan Loden, senior regional security officer ng US Embassy sa Maynila, na layon ng programa na sanayin ang mga nagtapos upang sila naman ang magturo sa iba pang pulis, at nakatakdang magsagawa ang ATA ng 45 pang klase sa nasabing pasilidad sa 2027.
Iginiit ng PKP na ang operasyon ng pasilidad ay nagpapatunay sa kanilang pahayag noong Hulyo kung saan tinawag nila ang $500,000 (₱130.8 milyon) na proyekto bilang “permanenteng monumento ng imperyalistang panghihimasok.” Tinawag ito noon ng PKP bilang tahasang paglapastangan sa kasarinlan ng Pilipinas at tuluy-tuloy na panghihimasok ng mga dayuhang pwersa sa panloob na mga usapin ng Pilipinas.
Batid ng PKP na gagamitin lamang ang mga pagsasanay para tugisin at supilin ang mga demokratikong grupo at indibidwal gamit ang Anti-Terrorism Act. Inihalintulad nito ang kasalukuyang mga pagsasanay sa nakaraang mga operasyong may basbas ng US sa Mindanao, gaya ng madugong engkwentro sa Mamasapano noong 2015 at ang pagwasak ng Marawi City noong 2017.
Sa isang pahayag noong Agosto, nagbabala rin ang grupong Karapatan laban sa pagtuturo ng mga taktikang Amerikano sa lokal na pulis dahil palalalain lamang nito ang pandarahas ng estadong Pilipino sa mamamayan.
Anito, ngayon pa lamang ay binabatikos na ang pwersa ng pulis sa Pilipinas dahil sa panunupil nito sa mga nagpuprotesta. Kung tuturuan ang mga lokal na pulis ng mga teknik na ginagamit ngayon ng mga operatiba ng US ICE (Immigration and Customs Enforcement) laban sa mga migrante at maging sa mga mamamayan ng US, asahan ang higit pang pagtindi ng brutalidad ng pulis sa bansa, babala ng grupo.
Napatunayan ito kamakailan sa pagsalubong ng mga pulis ng brutalidad sa mga protesta laban sa Pax Silica at pagbisita ng presidente ng US na si Donald Trump sa Pilipinas para sa pagpupulong ng ASEAN.
Sa harap nito, hinimok ng PKP ang publiko na ilantad at tutulan ang anito’y pang-uudyok ng US sa panunupil sa mamamayang Pilipino.
The post Pagsasanay ng US sa mga pulis para “kontra-terorismo” sa Mindanao, binatikos appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

