Namahagi ng polyeto kontra Pax Silica ang mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Negros Island (Apolinario Gatmaitan Command) noong Nobyembre 10-12 sa interyor at eksteryor na mga baryo sa isla, at maging malapit sa mga syudad. Tinalakay sa polyeto ang paninindigan at pakikiisa ng hukbong bayan sa masang Negrosanon at sambayanang Pilipino laban sa Pax Silica at imperyalismong US.
Sa isang yunit lamang ng BHB, nakapagpamigay at nakapagmudmod ito ng higit 1,500 na polyeto sa mga barangay na malapit sa syudad, laluna sa mga pampublikong lugar gaya ng mga terminal ng bus, traysikel, at iba pa. Paraan ito ng hukbong bayan para abutin ang mas marami pang residente at ipabatid sa kanila ang mga isyung panlipunan.
Ang itatayong Pax Silica hub o economic security zone (ESZ) ay sasakop sa 1,620-ektarya ng lupain sa New Clark City sa Capas. Bahagi ito ng imperyalistang proyekto na Luzon Economic Corridor. Ituturing ang Pax Silica ESZ bilang “AI-native industrial acceleration hub” na eksklusibo para sa mga kumpanya ng US at sa mga iimbitahan nitong kaalyado.
“Bagaman malayo sa isla ang itatayong imprastruktura, hindi ito nangangahulugang hindi apektado ang mamamayang Negrosanon,” ayon sa BHB-Negros Island. Kadugtong umano ng proyekto ang iniraratsadang pagpasok ng dambuhalang dayuhang kumpanya sa mina sa isla ng Negros. Magiging bulnerable rin ang mamamayang Negrosanon sa mga kalamidad kagaya ng pagbaha at pagguho ng lupa kapag pinahintulutan ang mga ito, ayon sa yunit.
“Sa gayon, nakikiisa ang BHB-Negros Island sa lahat ng mga patriyotiko, at mga makakalikasang grupo sa paglalantad ng mga maniobra ng US at ng mga tuta nito na nasa poder na planong ipahamak at ibenta ang ating bayan sa mga imperyalistang bansa,” pahayag nito. Mahigpit ang apgtutol ng lahat ng mga yunit ng BHB sa isla ng Negros sa Pax Silica sa bansa, pagpapatuloy ng pagtatayo ng mga baseng militar ng US at ang pagpapakat nito ng tropang militar sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Pahayag pa nito, magsusumikap ang BHB-Negros Island na ilantad ang pagkolonya ng imperyalistang US sa bansa at mapigilan o madiskaril ang patuloy na pagpapalayas na masang magsasaka at katutubo sa kanilang lupang ninuno. Nanawagan ito sa masang Negrosanon at sambayanang Pilipino na tumangan ng armas at sumapi sa BHB para ipagtanggol ang patrimonya ng Pilipinas at biguin ang imperyalistang pandarambong.
Nauna nang inihayag ng National Democratic Front of the Philippines sa isang pahayag na lehitimong target ng mga pwersang rebolusyonaryo ang mga instrumento sa gera, mga pasilidad sa produksyon at pagmimina ng mga imperyalista sa bansa. Hinimok ng NDFP ang lahat ng patriyotiko at demokratikong sektor na lumahok sa pagsusulong ng digmang bayan.
Sa nagdaang buwan, kabi-kabila rin ang pagsisikap ng mga rebolusyonaryong organisasyon sa ilalim ng NDFP para ilantad ang Pax Silica at pagkaisahin ang sambayanang Pilipino laban sa imperyalistang pandaramong. Nagsgawa ito ng mga oplan dikit at oplan pinta, raling iglap at iba pang malikhaing aktibidad.
—may ulat mula sa Ang Paghimakas, rebolusyonaryong pahaygan sa Negros Island
The post BHB-Negros Island, namahagi ng polyeto kontra Pax Silica appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

