Nanawagan ang mga mangingisda sa Visayas na agarang isuspinde o tuluyang ibasura ang ipinatutupad na patakarang “closed fishing season” o pagbabawal na mangisda sa Visayan Sea mula Nobyembre 15 hanggang Pebrero 15, 2027. Saklaw ng Visayan Sea, na itinturing bilang isa sa pinakamahalagang tradisyunal na pook-pangisdaan, ang katubigang pumapalibot sa Panay, Negros, Cebu, Leyte, at Masbate.
Alinsunod sa Fisheries Administrative Order 167-3 ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), ipinagbabawal ang paghuli, pagpatay, at pagbenta ng ilang klaseng isda sa Visayan Sea tulad ng tamban, alumahan, hasa-hasa, at iba pa. Binatikos ng mga balangay ng Pambansang Lakas ng Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) sa Panay at Cebu ang pagpapatupad ng patakaran.
Ayon sa mga mangingisda, lalo lamang silang isasadlak nito sa kagutuman at kawalang kabuhayan. Tinatayang 80,000 mangingisda ang nakasalalay ang kabuhayan at nakaasa sa Visayan Sea.
“Hindi pa nakababawi sa pagkalugi, pinagbawalan na namang mangisda!” dismayadong pahayag ng Pamalakaya-Panay. Dagdag ng grupo, dinaranas pa ng mga mangingisda ang kahirapang dulot ng patung-patong na krisis sa nagdaang mga buwan ay mawawalan na naman sila ng kabuhayan.
Pinahirapan at patuloy na pinahihirapan ang mga mangingisda ng matinding init na dulot ng El Niño, ang magkakasunod na pag-ulan dahil sa bagyo at habagat, at ang walang tigil na pagtaas ng presyo ng langis. “Kulang [ang] suporta sa panahon ng walang kuha. Hindi nararamdaman ng mga mangingisda ang sinasabing tulong,” ayon pa sa grupo.
Pinuna naman ng Panaghugpong sa mga Gagmayng Mananagat sa Sugbo (Pamana-Sugbo) ang lumilitaw na “double standard” ng estado laban sa kanilang maliliit at karaniwang mangingisda. “Mas mabigat pa ang parusang ipinapataw sa mga mangingisda sa ilalim ng fish ban kaysa sa malalaking barko na pumapasok sa pangisdaang dapat ay para lamang sa maliliit na mangingisda,” ayon sa grupo.
Panawagan ng mga mangingisda na ipatigil ang patakaran sa pagbabawal na mangisda at bigyan sila ng makabuluhang subsidyo sa produksyon at ayuda dahil sa kawalan ng kabuhayan. Giit rin nila ang pagbasura sa Oil Deregulation Law para mapababa ang gastos sa produksyon. Sa huli, itinutulak nila ang pagpapalayas sa mga komersyal na barko mula sa 15-kilometrong municipal waters.
The post Pagbabawal na mangisda sa Visayan Sea, magpapalala ng gutom appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

