Kinundena ng mga residente ng Purok 4, Barangay Inlagadian, Casiguran, Sorsogon, ang demolisyon sa kanilang mga bahay noong Nobyembre 24 bunsod ng Writ of Demolition na inilabas ng Department of Agrarian Reform Adjudication Board (DARAB). Walong kabahayan ang giniba.

Ayon sa mga residente, nagulantang na lamang sila ng makitang nagtitipon sa labas ng kanilang komunidad ang kapulisan, tauhan ng Casiguran Fire Station at iba pang ahensya sa araw na iyon. Anila, iligal ang demolisyon dahil walang ipinakitang utos ng korte ang mga ahensya nagsagawa nito. Wala ring abiso na magkakaroon ng demolisyon sa araw na iyon at walang ibigay na relocation site para sa kanila. Giit ng isang residente, mali ang dinemolish na bahay dahil ayon sa dokumento, Lot B ang gigibain pero nasama ang bahay nila na nasa Lot A.

Iginiit din ng mga apektadong pamilya na may karapatan sila sa lupang tinatayuan ng kanilang mga bahay dahil nagbabayad sila para sa titulo at amelyar. Anila, naninirahan ang kanilang mga ninuno sa naturang lugar noong pang 1901. Dumulog na rin sila sa DARAB upang humingi ng sertipikasyon ngunit hindi sila binibigyan. Umabot sa tatlong hearing ang kanilang inihaing kaso ngunit matapos ang huling hearing ng 2025 ay wala nang sumunod pa.

“Panu na kami mauranon wara lamang masirungan. Basa gabos na gamit pati mga bado. Dae lamang naka turog San grabi na kulog sa boot na pinadanas samo“ (Paano kami ngayon na maulan, wala kaming masilungan? Basa lahat ng aming gamit pati mga damit. Di kami nakatulog sa sobrang sama ng loob dahil sa pinadanas sa amin), pahayag ni Laisa Hebres, isa sa mga residenteng giniba ang bahay.

Ang naturang erya ay inaangkin ni Antonio Hila, na kinatawan ni Milagros D. Buen, laban kay Estelito D. Funelas at iba pa sa ilalim ng DARAB. Sa desisyon noong Enero 28, 2020, idineklara na hindi mga agricultural tenant ng Lot No. 2990-B ang mga respondent at inatasan silang lisanin at isuko ang humigit-kumulang 6.1878 ektaryang lupain pabor kay Hila. Naglabas din ng resolusyon noong Disyembre 30, 2024 na nag-aatas sa kanila na lisanin ang lugar at alisin ang mga tinukoy na istruktura sa loob ng 15 araw mula sa pagtanggap nito.

Hugas kamay naman ang lokal na pamahalaan ng Casiguran at sinabing dumaan sa ligal na proseso ang nangyaring demolisyon. Nagkaroon diumano ng Pre-Demolition Conference ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) kasama ang iba pang kaukulang ahensya noong Agosto 26, 2026 upang matiyak ang mapayapang demolition. Hindi kasama sa kumperensya ang mga apektadong pamilya.

The post Demolisyon sa Sorsogon, kinundena ng mga residente appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.