Binatikos ng mga grupo ng manggagawa at maralitang lungsod ang mungkahi ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na buksan ang posibilidad na kusang-loob na mag-ambag ng hanggang ₱170,000 ang bawat Pilipino upang mabawasan ang ₱19.66-trilyong pambansang utang ng Pilipinas.
Ginawa ni Cayetano ang nakagagalit na mungkahing ito sa pagdinig ng Senado para sa panukalang ₱7.2-trilyong pambansang badyet sa 2027 noong Nobyembre 23. Ani Cayetano, ang kabuuang utang ng gubyerno ay katumbas ng humigit-kumulang ₱170,598.03 bawat Pilipino. Iminungkahi pa niya ang paglikha ng mekanismo para sa mga nais mag-donate.
Tinawag ng sentrong unyon na Kilusang Mayo Uno (KMU) na “hunghang” at malayo sa reyalidad ng mga ordinaryong manggagawa ang pahayag ng senador. Ayon sa grupo, ang taunang sahod ng isang minimum wage earner ay umaabot lamang sa humigit-kumulang ₱150,000, mas mababa nang ₱20,000 kaysa sa halagang iminumungkahi ni Cayetano.
“Ano, hindi na mabubuhay ang pamilya ng manggagawa para bayaran ang utang na mga kurakot ang kalakhang nakinabang?” ani KMU Chairperson Jerome Adonis sa isang pahayag. “Napakakapal din ni Cayetano na manghingi ng dagdag na pondo sa taumbayan, gayong hindi pa napapanagot ng Senado bilang impeachment court si (Bise Presidente) Sara Duterte na isa sa pinakamalaking isda sa korapsyon.”
Nanawagan ang KMU sa mga manggagawa at mamamayan na lumahok sa malawakang kilos-protesta sa darating na Araw ni Bonifacio, Nobyembre 30, upang tutulan ang anila’y pagpapapasan sa mahihirap ng utang ng pamahalaan.
Nagpahayag din ng matinding galit sa panukala ng senador ang grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay). “Tigilan mo kami, Cayetano! Bakit namin babayaran ang utang na hindi naman namin inutang? Tapos ano, kayo rin ang hahawak? Eh di ibubulsa niyo rin ‘yan,” pahayag ng grupo.
Batay sa pinakahuling datos ng Bureau of the Treasury noong Setyembre 2026, pumalo na sa pinakamataas na rekord na ₱19.66 trilyon ang kabuuang utang ng estado.
Ayon sa pagsusuri ng IBON Foundation, lumobo nang mahigit 53% ang pambansang utang sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr mula sa ₱12.79 trilyon noong Hunyo 2022. Bago ito, higit na dumoble o tumaas nang humigit-kumulang 115% ang utang ng bansa sa ilalim ng rehimeng Duterte mula sa ₱5.95 trilyon noong 2016.
Binigyang-diin ng IBON Foundation na malaking bahagi ng mga inutang ng estado ay napupunta lamang sa pambayad-utang (debt servicing) at mga proyektong pang-imprastraktura. Hindi rin malinaw sa publiko kung saan eksaktong napupunta ang bilyun-bilyong pisong pondo.
The post Mga manggagawa at maralitang lungsod, binatikos si Cayetano appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

