Ibinasura na ng Korte Suprema ang pinagsamang petisyon para sa writ of habeas corpus na inihain ng mga anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kumukwestyon sa pag-aresto at pagsuko sa kanya sa International Criminal Court (ICC) noong nakaraang taon.
Sa botong 9-4-1, idineklara ng mataas na hukuman na “moot” o wala nang saysay ang petisyon dahil nasa kustodiya na ng ICC sa The Hague, Netherlands ang dating pangulo. Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Japar Dimaampao na inilabas noong Nobyembre 24, binigyang-diin ng korte na ang writ of habeas corpus ay isang lokal na remedyo na maipatutupad lamang sa loob ng Pilipinas at hindi na magsisilbi ng anumang praktikal na layunin dahil nasa ilalim na ng hurisdiksyon ng ICC si Duterte.
Ikinatuwa naman ni Bayan Muna Chairman Atty. Neri Colmenares ang naging desisyon ng Korte Suprema at tinawag itong malaking hakbang para sa mga biktima ng gera kontra droga.
“Ang pagbabasura sa petisyon para sa habeas corpus ng mga Duterte ay isa na namang pako sa kabaong ng kawalan ng pananagutan noong administrasyong Duterte. Isa itong malaking hakbang sa paghahanap ng mga biktima ng hustisya at pananagutan,” ani Colmenares.
Dagdag pa niya, may ligal na basehan ang pag-aresto at pagsuko kay Duterte sa obligasyon ng bansa sa Rome Statute ng ICC. Kasunod nito, muling nanawagan si Colmenares sa rehimeng Marcos na ipatupad na rin ang pag-aresto kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, na may warrant din mula sa ICC.
“Ngayong kinikilala na ng Korte ang detensyon ni Duterte sa The Hague at ang kanyang paglahok sa paglilitis, muli naming iginigiit ang aming panawagan sa gubyerno ni Marcos na tiyakin ang agarang pag-aresto kay Sen. Dela Rosa at ang pag-usig sa mga upisyal ng PNP na kumakanlong at nagbibigay ng proteksyon sa kanya,” giit ni Colmenares. Hindi lamang usapin ng batas ang pag-aresto sa kanya kundi usapin rin ito ng hustisya para sa libu-libong biktima na napatay sa gera sa droga na isinagawa noong hepe pa siya ng PNP.
“Dapat siyang litisin kasama ni Duterte para sa mga karumal-dumal na krimeng ginawa noong sila ay nasa kapangyarihan,” aniya.
Napapanahon ang desisyon ng Korte Suprema lalo at naghahanda na ang ICC para sa pagsisimula ng paglilitis kay Duterte sa Nobyembre 30, halos 20 buwan matapos siyang maaresto noong Marso 12, 2025.
Ayon kay ICC spokesperson Oriane Huber Maillet noong Nobyembre 24, tinatayang 100 saksi ang inaasahang titestigo laban kay Duterte. Nahaharap ang dating presidente sa tatlong bilang ng kasong crimes against humanity kaugnay ng mga pagpatay noong siya ay alkalde pa ng Davao City at pangulo ng bansa.
Sa unang araw ng paglilitis, tatanungin si Duterte kung naiintindihan niya ang mga kasong isinampa laban sa kanya bago siya hilingang magpasok ng kanyang “guilty” o “not guilty” plea. Susundan ito ng pambungad na pahayag mula sa prosekusyon, sa mga ligal na kinatawan ng mga biktima, at ng isang maikling pahayag mula sa kampo ni Duterte.
Tiniyak din ni Maillet na mananatiling patas, malaya, at bukas ang proseso ng hukuman alinsunod sa Rome Statute. “Linawin natin, ang tungkulin ng korte ay hindi upang magsulong ng anumang layuning pampulitika,” ayon kay Maillet.
The post Petisyon para sa habeas corpus ni Duterte, ibinasura appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

