Aktibong nakapagtanggol ang isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Mindoro (Lucio de Guzman Command) laban sa operasyong strike at tangkang reyd ng 1st IB sa temporaryong himpilan nito sa Sityo Gatol, Barangay San Roque, Bulalacao, Oriental Mindoro noong Nobyembre 23 nang umaga. Dahil sa mataas na alerto ng Pulang hukbo, nabigo nito ang pag-atake ng berdugong tropa at ligtas na nakaatras ang yunit.
Ayon sa mga masang saksi matapos ang labanan, apat na sundalo ng 1st IB ang napatay. Taliwas ito sa pinalalabas ng batalyon na dalawang sundalo lamang nito ang nasugatan. Pinasinungalingan rin ng BHB-Mindoro ang pahayag ng 1st IB na nakasamsam ito ng isang baril at mga gamit ng sa Pulang hukbo.
Binigyang saludo ni Ka Madaay Gasic, tagapagsalita ng BHB-Mindoro, ang mga Pulang mandirigma at kumander na bumigo sa atake ng pasistang militar. Sa ulat ng yunit, naunang nakita at pinaputukan ng mga Pulang mandirigma ang mga sundalong papalapit sa kanilang kampo.
“Ipinagbubunyi ng mamamayan ng Bulalacao at lahat ng Mindoreño ang magiting na paglaban ng kanilang hukbo sa kaaway,” ayon kay Gasic. Ipinakita rin, aniya, ng aktibong depensa at ligtas na pag-atras ng yunit ang kapasyahang lumaban ng BHB at ang hindi nagmamaliw na suporta at pagkalinga ng masa sa hukbong bayan. Pinasusubalian rin nito ang pahayag ni 203rd IBde Commander BGen. Melencio Ragudo na mga residente ng Barangay San Roque ang nagsuplong sa Pulang hukbo.
Paliwanag ni Gasic, ang mahigpit na pagkakaisa ng hukbo at masang api ang bumigo at patuloy na bibigo sa lahat ng atake ng kaaway.
“Determinado ang lahat ng mandirigma at kumander ng BHB Mindoro, kasama ang mamamayang Mindoreño, na salungain ang umiigting na kontra-rebolusyon sa isla, magpunyagi sa digmang bayan at dalhin ito sa mas mataas na antas hanggang sa tagumpay,” aniya.
The post 4 na sundalo ng 1st IB, napatay sa kontra-reyd ng BHB-Mindoro appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

