Pulang saludo ang ibinibigay ng Lucio De Guzman Command-BHB Mindoro sa mga Pulang mandirigma at kumander na bumigo sa atake ng pasistang kaaway kahapon, Nobyembre 23. Aktibong nakapagtanggol ang yunit ng BHB sa tangkang pangungubkob ng mga tropa ng 1st Infantry Batallion (IB) bandang alas-8:30 ng umaga ng Nobyembre 23 sa Sityo Gatol, Barangay San Roque, Bulalacao, Oriental Mindoro. Ligtas na nakaatras ang yunit nang walang kaswalti.

Naunang nakita at pinaputukan ng BHB ang mga sundalong papalapit sa kanilang pwesto. Susi ang mataas na alerto at kahandaang lumaban ng yunit ng BHB upang biguin at pinsalaan ang kaaway. Ayon sa mga masang saksi matapos ang labanan, apat ang patay sa mga sundalo. Sa kahihiyan, pinagtatakpan ito ng 1st IB. Sa kanilang pahayag sa social media, dalawang bahagyang sugatan lang daw ang kanilang kaswalti sa labanan. Pinapakalat din ng 1st IB na may nasamsam silang mga gamit militar upang pagmukhaing tagumpay ang kanilang bigong strike operation.

Ipinagbubunyi ng mamamayan ng Bulalacao at lahat ng Mindoreño ang magiting na paglaban ng kanilang hukbo sa kaaway. Patunay ang aktibong depensa at ligtas na pag-atras ng yunit hindi lang ng kapasyahang lumaban ng BHB kundi pati sa di nagmamaliw na suporta at pagkalinga ng masa sa hukbong bayan. Ang mahigpit na pagkakaisa ng hukbo at malawak na masang api ang bumigo at patuloy na bibigo sa lahat ng atake ng kaaway. Determinado ang lahat ng mandirigma at kumander ng BHB Mindoro, kasama ang mamamayang Mindoreño, na salungain ang umiigting na kontra-rebolusyon sa isla, magpunyagi sa digmang bayan at dalhin ito sa mas mataas na antas hanggang sa tagumpay!

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang mamamayang Mindoreño!

The post Aktibong depensa ng BHB Mindoro laban sa 1st IB, ipinagbubunyi ng mga Mindoreño appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.