Kinundena ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP) ang pag-aresto ng mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa isa sa mga pastor nito noong Nobyembre 24. Inaresto si Rev. Edwin Egar nang dumating sa NAIA Terminal 3 sa Pasay City dahil sa paratang na “terrorism financing” o paglabag sa Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012.

Inilabas ng isang korte sa Batangas ang mandamyento de aresto laban sa pastor. Dinala siya ng mga pulis sa Camp Vicente Lim sa Calamba, Laguna kung saan siya kinunan ng mugshot, fingerprint, at pagsusuring medikal.

Si Egar ay nagmula sa United Batangas Conference ng UCCP South Luzon Jurisdiction. Inilarawan siya ng UCCP bilang isang pastor na hindi lamang natatali sa gawain sa loob ng simbahan bagkus naging aktibo sa pagtugon sa mga panawagan at pangangailangan ng mga batayang sektor.

Naglingkod si Egar bilang upisyal ng Karapatan-Southern Tagalog kung saan nakilala siya bilang matapang na tagapagtanggol ng karapatang-tao sa rehiyon. Naging katuwang siya ng karaniwang mamamayan sa pagsisiwalat sa pang-aapi at pandarahas mga magsasaka at maralita sa Batangas at kalapit na mga prubinsya.

Noong 2022, naging target na si Egard ng pagmamanman at panunupil ng mga pwersa ng estado. Idinawit siya, kasama ang iba pang mga tagapagtanggol ng karapatang-tao sa Batangas, sa mga kaso ng paglabag sa Anti-Terorrism Act at “terrorism financing.” Pinararatangang siyang may kaugnayan at tumutulong sa Bagong Hukbong Bayan.

Nauna nang ibinasura ng korte ang kaso laban sa kanya kaugnay ng Anti-Terrorism Act dahil sa kakulangan ng ebidensya. Kinatigan rin ng Korte Korte Suprema ang kanyang petisyon para sa Writ of Amparo at Temporary Protection Order mula sa mga elemento ng militar.

Sa pag-aresto kay Egar, muling isinaad ng UCCP na ang pagtulong sa nga naghihirap ay hindi isang krimen. “Ito ay buhay na kapahayagan ng pananampalataya,” anito.

Nanawagan ang UCCP at ang UCCP South Luzon Jurisdiction sa mga upisyal ng gubyerno na tiyakin ang kaligtasan ni Egar, igalang ang kanyang mga karapatan at pagkalooban ng wastong proseso alinsunod sa batas. Panalangin nila ang agarang paglaya ni Egar mula sa detensyon at pagbasura ng mga gawa-gawang kaso laban sa kanya.

The post Pag-aresto sa pastor ng UCCP sa paratang na “terrorism financing,” kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.