Dinukot ng pinagsanib na pwersang militar at pulis ang dalawang organisador ng mga magsasaka, manggagawang-bukid at kababaihan noong Nobyembre 23 sa Tuy, Batangas. Ang mga dinukot ay kinilala bilang sina Samantha Jillian Mariano at Jomar Caraan. Si Mariano ay gradweyt ng College of Fine Arts (CFA) ng University of the Philippines (UP)-Diliman, habang si Caraan ay isang magsasaka mula sa Laguna.

Ayon sa Anakbayan-Batangas, nananatiling walang impormasyon sa kinaroroonan at kalagayan ng dalawa. Nananawagan ang grupo na agarang ilantad ng armadong mga pwersa ng estado ang kinaroroonan nina Mariano at Caraan, tiyakin ang kanilang kaligtasan, at igalang ang kanilang mga karapatan.

Kinundena rin ng UPD CFA Student Council ang pagdukot ng militar sa dalawa. Ayon sa konseho, hindi krimen ang pag-oorganisa at pagbibigay-boses sa mga magsasaka, manggagawang bukid, at kababaihan. “Lehitimong paglilingkod sa sambayanan ito, at hindi dapat ituring na banta,” anito.

Noong Agosto, nagpakalat ang 80th IB at mga Facebook page na may kaugnayan dito ng mga “wanted” na larawan nina Mariano at Caraan. Pinararatangan sila ng patung-patong na mga kasong kriminal at may inialok na pabuya para sa kanilang pagkakadakip na tig-₱100,000.

Si Mariano ay sinasabing may kaso ng tangkang pagpatay. Samantala, si Caraan ay pinalalabas na may mga kaso ng tangkang pagpatay, kidnapping, pagpatay at bigong pagpatay. Ang mga kasong kinahaharap nila ay nakasampa sa Regional Trial Court (RTC) Branch 65 sa Infanta, Quezon.

Malaon nang binabatikos ng mga grupo sa karapatang-tao sa Pilipinas ang taktika ng militar ng pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa mga organisador at aktibista para supilin ang kanilang mga aktidad. Ginagamit rin ng mga pwersa ng estado ang maruming taktika ng pagdukot para maghasik ng takot sa mamamayan.

Sa ilalim ng rehimeng US-Marcos, naitala ng Ang Bayan ang hindi bababa sa 294 biktima ng pagdukot. Nang inilitaw, ang iba sa kanila ay diretsong sinampahan ng mga kasong kriminal, pinalabas na mga “sumurender.” Pinakamalubha, ilan sa kaninla ay mga bangkay na nang ipinakita ng militar at pinalabas na napatay sa mga engkwentro. Sa huling tala, mayroong 16 pang desaparesidos o hindi pa rin inililitaw na mga dinukot ng kasalukuyang rehimen.

The post 2 organisador ng magsasaka sa Batangas, dinukot ng militar appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.