Bilang paggunita sa World Fisheries Day, naglunsad ng protesta sa dagat na sakop ng Subic, Zambales ang mga asosasyon ng mangingisda noong Nobyembre 21. Sa pangunguna ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), muli nilang ipinahayag ang pagtutol sa planong pabrika at imbakan ng bala sa dating baseng nabal ng US sa Subic Bay.

Ang Subic Bay, isang 670 kilometro kwadradong erya, ay ang dating pinakamalaking baseng nabal ng US sa labas ng sarili nitong bansa. Isinara ang base militar noong 1991 dulot ng nno’y malawak na pagtutol ng mamamayan at di-pagpapalawig ng Military Bases Agreement ng Senado. Gayunpaman nanatili itong susing erya para sa lohistika at mga war games ng US at Pilipinas laluna tuwing Balikatan war games.

Ayon sa mga mangingisda, natatakot silang matuloy ang proyekto dahil banta ito sa kanilang kabuhayan at seguridad laluna at magiging bahagi ito ng tinatawag ng US na “forward-staged ammunition.” Hindi umano malabo na magpataw ng permanenteng “no sail zone” o pagbabawal na mangisda sa palibot ng pasilidad kung matutuloy ang proyekto. May pangamba ring lasunin ng kemikal na gagamitin sa pabrika ang kanilang mga pook-pangisdaan.

Para kay Ronelo Alcantara, myembro ng samahang Cabangaan 3 Fishermen’s Unity Association sa Subic, ang pagtatayo ng pabrika at imbakan ay halos katumbas ng pagbabalik ng mga base militar ng US sa Subic Bay na umano’y labag sa konstitusyon ng bansa. “Matagal na nating pinalayas ang base ng Amerika sa Subic Bay. Walang katanggap-tanggap na dahilan para muling manumbalik ang anumang pasilidad ng dayuhang militar sa aming komunidad at pangisdaan,” aniya.

Unang naibalita ang planong pabrika sa isang ulat ng US House Committee on Appropriations na isinapubliko noong Hunyo 2025. Inatasan ng komite ang lahat ng mga ahensya sa depensa at patakarang panlabas na magsagawa ng pag-aaral sa posibilidad ng pagbubukas ng isang pinagsanib na pabrika ng bala at imbakan sa Subic Bay.

Ang ang panukala sa kongreso ng US ay kaugnay ng naisabatas na Self-Reliant Defense Posture (SRDP) Act sa Pilipinas na pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr noong Oktubre 2024. Pinaplanong itayo ang pabrika sa Agila Subic Shipyard (dating Hanjin shipyard) sa Barangay Cawag, Subic. Kasalukuyang pinatatakbo ng Cerberus Capital Management, pag-aari ni US Deputy Secretary of War Steve Feinberg, ang operasyon ng shipyard.

Ayon sa pambansang tagapangulo ng Pamalakaya na si Fernando Hicap, talagang walang pagkukubli ang imperyalismong US sa layuning pagkakitaan ang gera. “Mga matataas nilang upisyal ang mismong namumuhunan at nagtutulak ng mga pagawaan ng armas sa mga bansang sunud-sunuran rito,” pahayag ni Hicap.

Kapwa nanawagan ang dalawang lider-mangingisda sa mga Pilipino na labanan at pigilan ang planong pabrika at imbakan sa Subic Bay. “Dapat itong pigilan hindi lamang ng mga apektadong mangingisda at residente, kundi ng ating mga kababayan dahil sa peligrosong hatid nito sa ating pambansang seguridad,” pahayag ni Alcantara.

The post Protesta sa dagat, inilunsad ng mga mangingisda ng Zambales kontra pabrika ng bala ng US appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.