Kinundena ng mga patriyotikong grupo at alyansa ang pampulitikang panunupil ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa isang lider-Ayta mula Zambales na lumahok sa mga protestang kontra Pax Silica at pagbisita ni US Pres. Donald Trump sa bansa. Noong Nobyembre 19, pinuntahan sa bahay at ipinailalim sa interogasyon si Ortino Lahut, kilala bilang Tiyong Nilo, sa Barangay New Cabalan, Olongapo City, Zambales.
Tinanong si Tiyong Nilo ng tauhan ng militar na nagpakilalang si Jasper Dalit kaugnay ng kanyang paglahok sa kampuhan sa Metro Manila noong Nobyembre 13-18. Inurirat ng militar kung bakit siya bumyahe sa Maynila, saan galing ang mga damit nilang “Reject Pax Silica,” kung paano sila nakauwi pabalik ng Zambales at kung mayroon bang mga organisador na bumibista sa kanilang komunidad.
Pinasagot rin umano si Tiyong Nilo sa isang dokumentong nagsisiwalat sa kanyang mga personal na impormasyon at organisasyon na kanyang kinabibilangan. Matapos nito, nagbanta ang militar na babalik siya sa mga susunod na araw kasama ng iba pang mga upisyal militar.
Nakilala ng madla si Tiyong Nilo sa mga naging panayam sa midya noong kasagsagan ng protesta at kampuhan kontra Pax Silica. “Hindi kami tanga para magpagamit kung kani-kanino man,” pahayaga niya noon sa mga paratang na binabayaran sila para lumahok sa demonstrasyon.
Kinundena ng Katribu-Kalipunan Ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas at Network Opposed to Pax Silica (NO to Pax Silica) ang panggigipit sa lider-Ayta. “Ang mga hakbang na ito ng intimidasyon ay tahasang paglabag sa karapatan ng mga katutubo para magprotesta, mag-organisa at kolektibong labanan ang mga proyektong nagbabanta sa kanilang lupang ninuno,” ayon sa Katribu.
Ang mga komunidad ng Ayta sa Zambales ay kumahaharap sa banta ng pagpapalayas at pang-aagaw sa kanilang lupa para bigyang daan ang itatayong solar power porject sa Zambales na hinihinalang magsisilbi sa Pax Silica economic security zone (ESZ). Sa katabi nitong prubinsya ng Tarlac, katulad na banta ang dinaranas ng mga komunidad ng Ayta para bigyang daan ang mismong mga istruktura ng Pax Silica ESZ.
Pagdiin ng NO to Pax Silica, batid at malinaw sa mga Ayta ang nasa likod ng pangangamkam sa kanilang lupang ninuno. “Bumyahe sila sa Maynila mula sa kanilang sariling paninindigan at determinasyong ipaglaban ang kanialng mga karapatan,” anito.
Nanawagan ang dalawang grupo ng agarang itigil ang pagmamanman, profiling, at panliligali sa mga lider at komunidad ng Ayta. Iginiit rin nila ang pagpapalayas ng tropang militar sa mga komunidad ng katutubo na nagdudulot ng ligalig at pangamba sa kanilang buhay at kabuhayan.
The post Panunupil ng militar sa lider-Ayta sa Zambales, malawakang kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

