Nananawagan ng hustisya at pananagutan ang mga grupo sa karapatang-tao at pamilya ng dalawang sibilyang pinatay ng militar at pulis sa Batangas noong Nobyembre 17 ng gabi. Limang minutong pinaputukan hanggang napatay ng militar at pulis sina Gilbert Orr at Jayson Cortas habang bumabyahe sa Barangay Bataan, San Juan.

Pinararatangan ng militar at pulis na mga myembro ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang kanilang pinatay. Anila, nanlaban ang dalawa habang isinisilbi sa kanila ang mga mandamyento de aresto para sa mga kasong pagpatay at paglabag sa Anti-Terrorism Act.

Taliwas sa mga kwentong ito, iginiit ng pamilya at mga grupo na hindi armado at sibilyan ang dalawa. Sa isang pahayag, pinasinungalingan rin mismo ng BHB-Batangas (Eduardo Dagli Command) ang paratang ng pulis at militar na mga mandirigma nito sina Orr at Cortas.

Ayon sa Tanggol Batangan, si Orr ay isang organisador sa hanay ng mga magsasaka sa prubinsya. Nagmula siya sa isang unyon ng mga manggagawa bago naglingkod sa mga komunidad sa kanayunan. Anang grupo, nang pinatay ng mga pwersa ng estado ay patungo si Orr sa isang komunidad para bigyan sila ng talakayan hinggil sa Pax Silica at mapangwasak na pamimina sa bayan ng San Juan.

Si Cortas naman ang namamasada sa traysikel na inarkila ni Orr. Naulila niya ang kanyang buntis na partner at isang anak. “Namamasada lang naman ho ’yun. Tapos hindi na ho makakauwi sa akin,” hinagpis ng kaniyang buntis na partner.

Ayon sa Tanggol Batangan, ang mga biktima ay isang organisador at isang karaniwang drayber.

“Ang sinapit nila ay kahalintulad ng mga naunang kaso ng pagpaslang sa mga sibilyan sa lalawigan,” pahayag ng Tanggol Batangan. Malinaw umanong bahagi ang nangyari sa San Juan ng tumitinding panunupil ng rehimeng US-Marcos II upang patahimikin ang mga nagtatanggol sa lupa, kalikasan, at soberanya.

Katuwang ang Karapatan-Southern Tagalog, nakuha na noong Nobyembre 18 ng pamilya Orr at Cortas ang bangkay ng dalawa. “Hindi dapat maantala ang paghahanap ng hustisya para kina Gilbert Orr at Jayson Cortas,” ayon sa grupo.

Nagpahayag ng pakikiramay at pakikiisa sa pamilya ng mga pinaslang ang National Democratic Front (NDF)-Batangas. “Bukas ang tanggapan ng demokratikong gubyernong bayan sa Batangas sa isasampang reklamo ng pamilya ng mga masang biktima ng pamamaslang ng estado,” pahayag ni Gliceria Marella Rosal, tagapagsalita ng NDF-Batangas.

Paliwanag ni Rosal, handa at mahigpit na tatalima ang yunit ng BHB-Batangas kung mayroong ilalabas na atas ang hukumang bayan sa paggawad ng rebolusyonaryong hustisya kaugnay ng mga pamamaslang. “Sampu ng rebolusyonaryong mamamayan at mga Pulang mandirigma ng Eduardo Dagli Command, magpapatuloy ang ating paglaban hanggang sa pagpapanagot ng mga tunay na salarin at paggagawad ng rebolusyonaryong hustisya,” aniya.

The post Hustisya at pananagutan, panawagan ng pamilya ng 2 sibilyang pinatay ng militar at pulis sa Batangas appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.