Naglunsad ng press conference ang Concerned Seafarers of the Philippines (CSP), International Seafarers Action Center (ISAC) noong Nobyembre 20 upang pormal na kilalanin ang desisyon ng Korte Suprema na pumapabor sa mga seafarer laban sa mga anti-marinong probisyon ng Magna Carta for Seafarers.
Dumalo sa naturang press conference si Atty. Neri Colmenares ng Bayan Muna Partylist na nagsilbing abugado ng CSP at ISAC, Atty. Dennis Gorecho ng Sapalo Bundang Associates, Atty. Sonny Matula ng Federation of Free Workers at si Chiefmate Mechor Darilay ng AMOR (Association of Marine Officers and Ratings, Inc.).
Malugod na tinanggap ng ISAC at CSP ang desisyon ng Korte Suprema na ideklarang labag sa Konstitusyon ang rekisitong execution bond sa ilalim ng Seksyon 59 ng Magna Carta for Filipino Seafarers. Tinawag nila itong tagumpay ng mga marino na matagal nang tumututol sa naturang piyansa.
“Tagumpay ito para sa mga Pilipinong marino. Hindi sila dapat pagbayarin para lamang makuha ang mga benepisyong naigawad na sa kanila at nararapat nilang matanggap,” ani Atty. Edwin Dela Cruz, pangulo ng ISAC.
Sa desisyong inilabas noong Nobyembre 11 at isinulat ni Associate Justice Maria Filomena Singh, partikular na pinawalang-bisa ang Section 59 ng R.A. No. 12021 na nag-aatas sa mga marino na maglabas ng bond bago maipatupad o makolekta ang mga pinagtatalunang monetary award at damages habang nakabinbin ang apela o judicial review. Ayon sa Hukuman, hindi makatarungang obligahin ang mga marino na maglabas ng karagdagang pera samantalang walang kaparehong requirement para sa ibang manggagawa.
Pinawalang-bisa rin ang paggamit ng AKSYON Fund ng Department of Migrant Workers (DMW) upang bayaran ang bond premium dahil hindi ito naaayon sa konstitusyonal na patakaran sa paggamit ng pampublikong pondo.
Idineklara ring unconstitutional ang Section 60 na naglilimita sa legal na representasyon ng mga marino, kabilang ang pagtatakda ng hanggang 10 porsiyento lamang na attorney’s fees mula sa kanilang matatanggap na kompensasyon o benepisyo.
Ipinaliwanag ng SC na nasa eksklusibong kapangyarihan nito ang pangangasiwa sa propesyon ng mga abogado at pagtatakda ng mga alituntunin sa kanilang professional conduct. Hindi maaaring panghimasukan ng Kongreso ang kapangyarihang ito sa pamamagitan ng naturang probisyon. Mahalaga ang naturang pasya upang matiyak na napangangalagaan ang karapatan ng mga marino na magkaroon ng angkop na legal na representasyon sa paghabol sa kanilang sahod, benepisyo, disability compensation at iba pang nararapat na kabayaran
“Natutuwa kami sa desisyong ito, ngunit dapat malinaw na paunang tagumpay pa lamang ito. May mga probisyon pa rin ang kasalukuyang Magna Carta for Filipino Seafarers na salungat sa interes at kapakanan ng mga Pilipinong marino, tulad ng kawalan ng seguridad sa trabaho at hindi pagsaklaw sa mga mangingisda,” pahayag ni Xavier Bayoneta, tagapangulo ng CSP.
Kabilang ang ISAC at CSP sa mga grupo ng marino na naghain ng petisyon sa Korte Suprema upang kuwestiyunin ang rekisito sa piyansa. Naglunsad din sila ng sunod-sunod na kilos-protesta upang igiit ang kanilang mga karapatan bilang manggagawa.
“Hindi makakamit ang tagumpay na ito kung wala ang sama-samang pagkilos ng ating mga marinong determinadong labanan ang itinuturing nilang matinding kawalang-katarungan, gayundin ang walang-maliw na suporta at tulong legal ng Bayan Muna Partylist at ni Atty. Neri Colmenares,” ani Dela Cruz.
Iginiit ng mga grupo na magpapatuloy ang kilusan para sa pagsasabatas ng isang tunay na Magna Carta.
“Ang tagumpay na ito ay nagbibigay sa amin ng inspirasyon at determinasyong ipagpatuloy ang laban. Karapat-dapat na magkaroon kami ng isang tunay na Magna Carta na nagpuprotekta sa amin, hindi iyong nagdaragdag ng pasanin sa aming mahirap nang buhay sa dagat,” pagtatapos ni Dela Cruz.
The post Mga pagbabago sa Magna carta for Seafarers, ikinatuwa ng mga marino appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

