Nagpupugay ang PKP-TK sa lahat ng mamamayan sa rehiyon at buong bansa na magiting na lumalaban sa gyera’t pandarambong ng imperyalistang US, partikular na ang pakanang Pax Silica at Luzon Economic Corridor.

Katangi-tanging pagpupugay ang ipinapaabot sa mga Lakbayani sa kanilang ipinakitang di-natitinag na militansya, determinasyon at tapang sa isang lakbayang tumagal ng isang linggo. Nilampasan nila hindi lamang ang pagod, puyat, init ng araw at basa ng ulan kundi maging ang panghaharang hanggang ang marahas na pagbuwag at iligal na pagdetine sa kanila ng mga utusang pulis ni Marcos at Trump. Umalingawngaw sa buong bansa at maging sa internasyunal na komunidad ang kanilang sigaw at mensahe ng paglaban hanggang sa loob ng Camp Bagong Diwa kung saan sila idinetine. Sa halip na mahiwalay sa masa, umani ng malawak na suporta ang mga lakbayani mula sa iba pang mamamayang api. Patunay ito na hindi magagawang pigilan ng imperyalistang kapangyarihan at kanilang papet ang paglaban ng mamamayan basta’t naninindigan at nagkakaisa ito para sa tunay na kalayaan at demokrasya.

Pinagpupugayan din namin ang lahat ng lumahok at naging bahagi ng Lakbayan kabilang ang mga katugong pagkilos lalung laluna ang mga lumahok sa walk-out sa mga eskwelahan, pagsalubong, pakikipagkamay at pagbibigay ng pagkain at inuming tubig sa mga lakbayani sa kanilang mga dinadaanan, sa puo-puong libong nagpahayag sa internet ng kanilang pagsuporta sa ipinaglalaban ng Lakbayani. Pinakamasigla at pinakamalawak ang naging paglahok ng mga kabataan-estudyante sa halos lahat ng probinsya sa Calabarzon, maging sa Mindoro.

Malakas na nag-ambag ang Lakbayan ng Timog Katagalugan at iba pang mga katugong pagkilos sa rehiyon sa malawakang pambansang pagkilos na ipinamalas ng sambayanang Pilipino laban sa pagbisita ni Trump, kontra sa Pax Silica, LEC at pasismo.

Nagkamit ng taktikal na tagumpay ang malawakan at malakas na pagkilos dahilan upang antalahin ng rehimeng US-Marcos ang pagpirma ng kasunduan para sa pagtatayo ng Pax Silica hub sa bansa. Gayunman, sa naganap na bilateral meeting sa pagitan nina Trump at Marcos, tusong inilusot ng mga ito ang kasunduan sa kalakalan na tinurang “pinakamalaki” sa kasaysayan. Nilalaman nito ang nakatakdang pagtaas sa pag-import ng Pilipinas ng mga produktong enerhiya at agrikultural mula sa US. Malinaw na pakikinabangan lamang ito ng US habang maiiwang lugmok ang sariling produksyon ng Pilipinas lalo ng agrikultura. Nilaman din ang South China Sea Code of Conduct na itinutulak ng US para pumabor sa nilulutong imperyalistang gera sa rehiyon. Ang mga ito ay bahagi ng pagtitiyak ng imperyalismong US sa pang-ekonomiya at heyopulitikal na kontrol sa Pilipinas.

Kasuklam-suklam ang ipinamalas ni Marcos Jr. na kamay-na-bakal ng estado laban sa mamamayang lumalaban para lamang umamot ng pabor at ganansya sa imperyalismong US. Ipinatupad niya ang pasistang taktika na kahalintulad ng kanyang amang diktador. Sa rehiyon, bukod sa karahasan at panunupil sa mga Lakbayani, pinaslang habang nagbabyahe ng AFP-PNP si Gilbert Orr, organisador ng mga magsasaka at aktibong lumalaban sa Pax Silica at mina sa Batangas, at ang drayber na si Jayson Cortas sa San Juan, Batangas noong Nobyembre 17.

Sa harap nito, hamon sa mamamayang Pilipino na ibayo pang palawakin ang anti-imperyalistang pakikibaka. Ipagpatuloy ang militansya at manatiling mapagmatyag sa anumang pataksil na pag-atake at maniobra ng imperyalismong US katuwang ang papet na gubyerno ni Marcos para isakatuparan ang imbing planong gerang agresyon sa Pilipinas at Asia Pacific. Higit pa dito, dapat na palawakin ang hanay ng nakikibaka laban sa imperyalismo.

Kailangang magpatuloy ang kampanya kontra Pax Silica at mga planong kaugnay nito na magpapahirap sa mamamayang Pilipino at mangwawasak sa Pilipinas. Dapat na itayo ang pinakamaraming mga organisasyong anti-Pax Silica-LEC, anti-US War at iba pang tipo ng anti-imperyalistang organisasyon ng mamamayan. Kaakibat nito, dapat na ilunsad ang mga kampanya at lokal na pakikibaka laban sa mga mapangwasak at mapandambong na proyektong pansuporta sa Pax Silica kabilang na ang dayuhan at malakihang pagmimina, pangangamkam at pagpapalit gamit sa lupa para sa mga proyektong magsisilbi sa Pax Silica sa mga probinsya sa rehiyon. Dapat itong iugnay sa pakikibaka para sa lupa, sahod, trabaho at karapatan ng masang anak-pawis.

Dapat iangat ang paglaban sa Pax Silica at mga makaimperyalistang patakaran at programa sa mas malawak at masaklaw na pakikibaka laban sa imperyalismong US, at sa krisis at gerang hatid nito sa sangkatauhan. Hangga’t nananatiling saklot ng imperyalismong US ang bansa, pamalagian ang banta ng Pax Silica at kahalintulad na mga plano.

Nararapat na higit pang palawakin ang anti-imperyalistang kilusan ng mga kabataang estudyante. Upang patuloy itong lumakas at magkaroon ng mas malalim na kabuluhan, dapat na tumungo ang mga kabataan-estudyante sa kung saan nasaan ang mga magsasaka, manggagawa at mala-proletaryado upang maging malakas na katuwang sa pagsusulong ng kanilang pakikibaka para sa lupa, sahod, trabaho, kabuhayan at karapatan. Sa pamamagitan nito’y malilikha ang pinakamalakas na mga pwersa ng inaaping uri sa pakikibaka para kamtin ng bayan ang tunay na kalayaan at demokrasya.

Dapat pag-ibayuhin ng mga rebolusyonaryong pwersa ang pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan hanggang maibagsak ang paghahari ng imperyalismong US, malalaking kumprador-panginoong maylupa at mga burukrata-kapitalista. Ang ganap na paglaya, demokrasya at hustisyang panlipunan ay makakamit lamang sa landas ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan.

The post Higit pang pag-alabin ang anti-imperyalistang pakikibaka ng mamamayan ng Timog Katagalugan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.