Sa okasyon ng World Fisheries Day, pinagpupugayan namin ang nagpapanibagong sigla’t lakas na kilusang mamamalakaya sa Southern Tagalog at buong bansa. Bilang isa sa pinakamahihirap na sektor ng sambayanang Pilipino, dapat nilang ibunsod ang higit na malakas na daluyong ng paglaban sa rehimeng US-Marcos II at buong naghaharing sistema sa bansa.

Sa loob ng apat-na-taong pag-upo sa estado poder, nagbingi-bingihan si Marcos Jr. sa hinaing ng mga mangingisda. Patuloy ang pagbulusok ng produksyon ng sektor ng pangisdaan kahanay ng agrikultura sa nagdaang 11 taon. Inireresulta ito ng pribatisasyon ng mga baybay-dagat at lawa, mga pahirap na patakaran ng estado, tensyon sa West Philippine Sea, mataas na gastos sa produksyon, mga pagbaha, reklamasyon at mga natural na penomenon. Lubha pa itong pinalala ng sumisinsing aktibidad-militar sa mga baybay-dagat sa buong bansa laluna sa mga rehiyon sa Luzon kabilang ang Southern Tagalog.

Nagpapatuloy rin at papasidhi pa ang mga ipinatutupad na patakaran ng estado. Sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II, inamyendahan ang reaksyunaryo at anti-mamamayang Fisheries Code o RA 10654, kung saan ang dati nang makitid na puwang na 15-km municipal waters para sa maliliit na mangingisda ay ibinukas pa sa malalaki at komersyal na bangkang pangisda. Wala ring hakbang ni garantiya sa seguridad ang estado sa mga mangingisda sa West Philippine Sea na palaging nagiging biktima ng pambubully at harrassment ng mga malalaking komersyal na pangisda kabilang ang mga Chinese. Patuloy na bumabaha ang importasyon ng isda kahit pa napalilibutan ang Pilipinas ng mga karagatan. Pinipinsala lamang nito ang lokal na hanapbuhay ng mga mangingisda sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa rehiyon, tuluy-tuloy ang pagpapalayas sa komu-komunidad ng mangingisda at magsasaka sa baybay-dagat para sa iba’t ibang proyektong reklamasyon, ekoturismo at renewable energy. Tampok sa unang mga araw ng buwan ang demolisyon ng 100 kabahayan ng mga mangingisda sa Bacoor, Cavite para sa Manila Bay reclamation project ng Frabelle Fishing Corp. Nakaamba ring palayasin ang aabot sa 20 pamilyang mangingisda at magsasaka sa Lian, Batangas dahil sa pangangamkam ng lupang panirikan nila. Sa baybayin ng Laguna de Bay, pagkalugi ang inabot ng mga may-ari ng fish cage at fish pen sa Jala-jala Rizal nitong Setyembre dahil sa fish kill. Naiulat ang pagkamatay ng may 20,000 kilo ng tilapia at big head na itinuturo ng mga mangingisda at residente na dulot ng polusyon at reklamasyon para sa pribatisasyon at kumbersyon. Nakaamba ang malawakang demolisyon sa baybayin ng Laguna de Bay para sa Laguna Lake Road Network Project. Samantala, malaon nang umaangal ang mga mangingisda sa Palawan kaugnay ng pangunahing pagsalig ng bansa sa imported na galunggong na pumipinsala sa kanilang kita at isinasabay sa panahon ng peak season. Sila rin at ang mga mangingisda sa Mindoro ang pangunahing apektado ng tumitinding tensyon at aktibidad militar sa West Philippine Sea.

Walang aasahan ang mga mangingisda sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II. Paulit-ulit lamang na pinatutunayan ng kasaysayan ng Pilipinas na ang sabwatan ng malakolonyal at malapyudal na naghaharing estado at imperyalismong US ang salot sa buhay, kabuhayan at karapatan ng masang mangingisda sa buong bansa. Ngayong nakaamba ang pagpapatupad ng Pax Silica Hub at kaakibat nitong Luzon Economic Corridor na sasagasa sa mga probinsya ng CALABARZON, tiyak na mas malaking pahirap at dislokasyon ang idudulot sa lahat ng aping mamamayan kabilang ang mga mangingisda sa rehiyon.

Bilang isa sa pinaka-naghihirap at batayang sektor sa bansa, dapat lamang na sumalig ang mga mangingisda sa kanilang sariling lakas at makipagkaisa sa iba pang inaaping mamamayan para sa kabuhayan at karapatan. Dapat nilang organisahin ang kanilang sarili at sama-samang kumilos para ibandilyo at ipanawagan ang kanilang mga hinaing. Kasabay nito, dapat silang umanib sa nagpapanibagong-lakas na armadong pakikibaka sa kanayunan at isulong ang demokratikong rebolusyong bayan na syang tunay at tanging solusyon sa dinaranas na kahirapan at kaapihan ng sambayanang Pilipino sa ilalim ng paghahari ng imperyalismong US, pyudalismo at burukrata-kapitalismo sa bansa.

The post Padaluyungin ang boses at hinaing ng mga mangingisda sa TK at buong bansa appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.