Nitong Nobyembre 17, inaalala ng buong daigdig ang katapangan, kapangahasan at sakripisyo ng mga kabataang estudyante ng University of Prague na nagprotesta laban sa okupasyong militar ng Nazi Germany sa Czechoslovakia (kilala na ngayon bilang Czech Republic at Slovakia) noong 1939. Sa mismong araw na iyon, higit 1,200 na aktibistang estudyante ang inaresto at ipinadala sa mga concentration camps. Siyam na lider aktibista mula sa kanilang hanay ang brutal na pinaslang nang walang paglilitis. Mitsa ito ng mas maigting na paghihimagsik ng mga kabataan laban sa karahasan ng estado. Lumundo ito sa maraming mga pagkilos na umambag sa pagpapabagsak sa diktadurang rehimen.
Walumpu’t pitong taon na ang lumipas, tinatawag pa rin ang mga kabataan na lumahok sa mga pakikibaka ng mas malawak na mamamayan. Ang Pandaigdigang Araw ng mga Estudyante ay nagpapaalala sa atin na ang mga paglaban sa loob ng mga eskwelahan ay dapat dumugtong sa mga kilusan ng mga manggagawa, mala-manggagawa, magsasaka at iba pang aping uri at sektor na nakikibaka para sa progresibong pagbabago. Ilang ulit nang itinuturo ng kasayasayan na ang paglaban naming mga kabataan para sa mas maaliwalas na bukas ay hindi maihihiwalay sa paglaban ng mamamayang api para sa pundamental na pagbabago sa lipunan upang likhain ang lipunang malaya mula sa pagsasamantala at pang-aapi.
Sa buong mundo ngayon, niyayanig ng mga kilusang masa ang mga nakatayong estado. Malaki ang nagiging papel ng mga kabataan sa mga kilusang ito. Nitong buwan ng Oktubre, sumiklab sa France, Albania, Italy at iba pang bahagi ng Europe ang mga militanteng kilusang protesta laban sa mga anti-mahirap na patakarang ipinatutupad sa mga bansang European sa dikta ng neoliberalismo. Kasama ang libu-libong mga manggagawa at iba pang mamamayan, laksa-laksang kabataan ang tumungo sa lansangan. Sinisingil nila ang kanilang mga gubyerno para sa kawalan ng tunay na serbisyo, korapsyon at pangkalahatang pagdausdos ng kalidad ng buhay ng mamamayan. Sa Serbia, ang lundo ng kilusang protesta na sinimulan pa noong 2024 ay nagtulak sa gubyerno na maglunsad ng snap elections.
Sa Pilipinas, nagpapatuloy ngayong taon ang militanteng pagkilos ng mga kabataan para panagutin ang rehimen ni Ferdinand Marcos Jr sa sistematikong pagnanakaw sa kaban ng bayan na unang bumulwak noong nakaraang taon. Libo-libong mga kabataan ang sumasama sa mga walkout, black Friday protest at iba pang pagkilos sa loob ng kanilang mga eskwelahan hanggang sa pagsanib ng kanilang hanay sa iba pang mga uri at sektor na nananawagan para sa nakabubuhay na sahod, lupa para sa mga magsasaka, trabaho at iba pang batayang karapatan para sa lahat.
Tumampok din ngayong taon ang mga anti-imperyalistang pagkilos ng mga kabataan. Mahigpit na nakikiisa ang mga kabataan sa mga magsasaka at katutubo na nagtatanggol sa kanilang lupa at sa kalikasan mula sa lumalalang pangangamkam ng imperyalismo gamit ang Pax Silica at iba pang katulad na mga pakana. Matapang na naninindigan ang mga kabataan laban sa imperyalistang gera at pang-aapi at para sa kinabukasang tunay na malaya.
Gayon din sa Mindoro, lumalaban ang mga kabataan tulak ng tumatalim na krisis na kinalulugmukan ng isla. Patuloy kami sa paniningil sa gubyerno at lahat ng sangkot sa maanomalyang flood control projects at iba pa na perwisyo sa mga Mindoreño. Kasama kami sa pakikibaka ng mga magsasakang Mindoreño at katutubong Mangyan para sa lupang ninuno at lupang sakahan sa harap ng kaliwa’t kanang pang-aagaw ng lupa sa isla. Iginigiit namin ang totoong serbisyo mula sa lokal na gubyerno at kay Marcos Jr para sa mga kalamidad na maya’t mayang sumasalanta sa mamamayan. Nananawagan kami para sa pangangalaga sa kalikasan at pagtatanggol sa lupa at iba pang likas-yaman ng isla mula sa mina at iba pang mapangwasak na negosyo.
Sa kabila ng batas militar sa isla ng Mindoro, patuloy na hinahanap at binabagtas ng mga kabataan ang landas ng pambansa demokratikong pakikibaka para sa tunay na pagbabago. Takot na takot at desperado ang naghaharing sistema na pigilan ito. Kaya naman sa utos ng imperyalismong US, pinapalaganap ng rehimen ang mapaniil na doktrinang Countering Violent Extremism (CVE). Nais ng naghaharing sistema na pigilan ang pagkamulat ng mga kabataan, tatakan bilang “marahas na extremismo” ang pakikisangkot namin sa mga isyung panlipunan at ikundisyon ang aming isip na maging sunud-sunuran na lamang sa nabubulok na sistema. Sa kumpas ng CVE, malawakang nilalabag ng estado ang mga batayang karapatan ng mga kabataang Mindoreño sa malayang pagpapahayag, pag-oorganisa at kalayaang akademiko. Nariyan ang paghaharas at paniniktik gaya ng ginawa ng PNP MIMAROPA sa mga kabataang kumilos noong Setyembre 21 para gunitain ang batas militar ni Ferdinand Marcos Sr. Maruming taktika rin ng AFP-PNP ang paglulunsad ng mga redtagging forum sa loob ng mga eskwelahan upang takutin ang mga estudyante.
Subalit, dumadaloy na sa dugo ng mga kabataan ang palabang diwa. Pamana ito sa kasalukuyang henerasyon ng mga kabataang naunang naghawan ng landas ng paglaban. Hanggat nabubulok ang lipunan, may isanlibo’t isang dahilan ang mga kabataan upang tahakin at isulong ang rebolusyon.
Ang paglaban ngayon ng mga kabataang Pilipino sa rehimeng US-Marcos II ay karugsong ng anti-pasista at anti-diktaduryang paglaban ng mga kabataang Czechoslovakian noong 1939. At siyempre, higit na makabuluhan ang pagpapatuloy ng mga kabataan ngayon sa maningning na tradisyon ng pambansa demokratikong paglaban ng mga kabataan ng Katipunan gaya nila Emilio Jacinto at ng Kabataang Makabayan (KM).
Ang lumalalang krisis at ang di mabuburang kasaysayan ng paglaban ang nagtuturo ngayon sa mga kabataan na wasto at kinakailangan ang aming paglahok sa pambansa demokratikong rebolusyon. Tungkulin ng mga kabataan na ialay ang buong lakas, kasiglahan, talino at tapang sa mga manggagawa, magsasaka at sa buong sambayanang inaapi ng imperyalismong US, pyudalismo at burukrata kapitalismo.
Sa paggunita sa Pandaigdigang Araw ng mga Estudyante at sa nalalapit na ika-62 anibersaryo ng KM sa Nobyembre 30, nanunumpa ang mga kabataang Mindoreño na aming buong pusong paglilingkuran ang sambayanan at matatag na isusulong ang kanilang pambansa demokratikong interes. Palagian din kaming naghahanda upang tanggapin ang hamon na tumungo sa kanayunan at magsilbi bilang mga mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan para sa tunay na kalayaan mula sa lahat ng porma ng pagsasamantala at pang-aapi.
Kabataang Mindoreño, isulong ang pambansa demokratikong rebolusyon!
The post Nasa paglaban ang maaliwalas at malayang kinabukasan para sa mga kabataan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

