fhumanNoong Nobyembre 17, bandang alas-9 ng gabi, malagim na pinaulanan ng bala hanggang mapatay ng AFP-PNP ang nagbabyaheng aktibistang organisador na si Gilbert Orr at drayber ng kanyang inarkilang traysikel na si Jayson Cortas sa kahabaan ng kalsada ng Brgy. Bataan, San Juan, Batangas.

Sa desperasyon ng AFP-PNP na palabasing lehitimo ang kanilang operasyon, ipinakete nilang mga myembro ng NPA ang mga biktima. Marapat singilin at papanagutin ang AFP-PNP sa pang-aatake sa mga mamamayan lalo yaong lumalaban sa mga anti-mamamayang proyekto kagaya ng Pax Silica at pagmimina sa probinsya.

Ang probinsya ay isa sa mga susing posisyon ng Luzon Economic Corridor (LEC) para isakatuparan ang Pax Silica. Nasa balangkas ito ng kabuuang plano ng rehimeng US-Marcos II na iratsada ang Pax Silica at nilulutong gerang agresyon sa Asia Pacific, lalo ang pagtitiyak na makopo ang daluyan ng transportasyon sa Timog Katagalugan mula sa minerals extraction sa Mimaropa patungo sa Calabarzon hanggang sa makarating sa pinaplanong itayong Pax Silica hub sa Tarlac sa pamamagitan ng Subic- Clark-Manila-Batangas Freight railway sa balangkas ng LEC.

Samantala, ang pinakahuling kaso ng extrajudicial killings sa Batangas ay kasunod ng isinagawang mass arrest ng PNP sa mahigit 200 lakbayaning nagprotesta sa pagdating ni Trump at sa nakaambang pagpirma sa kasunduang Pax Silica ng Pilipinas sa US. Sukdulang nilalabag ng rehimeng US-Marcos II ang karapatang tao para ipagkaloob sa imperyalismong US ang patrimonya ng bayan.

Dapat labanan ang tahasang pangangayupapa ni Marcos Jr. sa imperyalismong US. Dapat patuloy na ipaglaban ang tunay na kalayaan at ipagtanggol ang karapatan sa harap ng pasistang pang-aatake ng estado. Sa ganito, makatarungan ang magkaisa at mag-armas para ipagtanggol ang sarili at ipaglaban ang pambansang pagpapalaya at demokrasya.

Hindi natutulog ang hustisya sa kamay ng iilan. Nananatiling buhay ang rebolusyonaryong kilusan sa Batangas upang samahan at ipagtanggol ang mamamayan mula sa pang-aapi at pagpapahirap ng reaksyunaryong estado at ng imperyalismong US. Bukas ang tanggapan ng demokratikong gobyernong bayan sa Batangas sa isasampang reklamo ng pamilya ng mga masang biktima ng pamamaslang ng estado. Mahigpit na tatalima ang yunit ng Eduardo Dagli Command-NPA Batangas sa iuutos ng hukumang bayan sa paggawad ng rebolusyonaryong hustisya. Sampu ng rebolusyonaryong mamamayan at mga Pulang mandirigma ng Eduardo Dagli Command, magpapatuloy ang ating paglaban hanggang sa pagpapanagot ng mga tunay na salarin at paggagawad ng rebolusyonaryong hustisya.

The post Rebolusyonaryong hustisya sa dalawang pinakahuling biktima ng extra-judicial killings sa Batangas! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.