Napatigil ng mga magsasaka at residente ng Sityo Natuling, Barangay Budlasan, Canlaon City, Negros Oriental ang balak na pagtatayo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ng isang detatsment sa pampublikong plasa ng sityo. Noong Nobyembre 7, mahigpit nilang ipinahayag sa isang pagkilos at dayalogo ang pagtutol sa detatsment.
Ayon sa militar, ang detatsment ay itatayo para magsilbing proteksyon sa kagamitan ng kumpanya sa konstruksyon na ALMANA Construction and Development Corporation (ACDC) na nakabase sa Bacolod City. Palusot nito, maaaring itayo ang detatsment sa gitna ng komunidad dahil hindi ito para sa digma o kampanyang kontra-insurhensya.
Itinakwil ng mga residente ang pagdadahilang ito. Anila, malinaw na ilalagay ng detatsment ang buong komunidad sa kapahamakan at lalabagin nito ang kanilang karapatang-tao at maging ang mga alitunting nakasaad sa internasyunal na makataong batas o IHL.
Ayon sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL), mahigpit na ipinagbabawal ang pagtatayo ng kampo o detatsment ng militar malapit sa mga matao at pampublikong lugar. Dapat ay may layo itong hindi bababa sa 500 metro mula sa mga kabahayan upang maprotektahan ang mga sibilyan laban sa mga engkwentro at paggamit sa pampublikong imprastraktura para sa layuning militar.
Nangangamba rin ang mga residente na gamitin sila bilang mga “human shield.” Anila, ang pagpuwesto ng detatsment sa mismong loob ng komunidad ay direktang paglalagay sa kanilang buhay sa panganib, na nagsisilbing pananggalang ng mga sundalo laban sa posibleng atake.
Dagdag nila, tiyak na magpapatuloy rin ang pagsira sa kalikasan ng kumpanyang ACDC dahil sa detatsment laluna mismong militar na rin ang nagpahayag ng layuning protektahan ito. Anila, ipinasisiguro ng militar ang interes ng dambuhalang kumpanya sa halip na ipagtanggol ang mga residente.
Bukod dito, malalim rin ang kasaysayan sa paglabag sa karapatang-tao na dinanas ng barangay noong dekada 1980. Sa pagtatayo noon ng detatsment militar sa barangay, tumindi lamang umano ang suliranin sa lupa at nagsilbing mga armadong tauhan ng mga panginoong maylupa ang mga sundalo. Bunga nito, maraming magsasaka ang napalayas at inagawan ng lupa dahilan kung bakit sila nasadlak sa pagiging manggagawang-bukid sa sariling lupain.
Ang mapaminsalang operasyon ng ACDC
Mula noong 2019, nagsimula ang konstruksyon ng ACDC sa Barangay Budlasan, Canlaon City ng isang proyektong hydropower. Sa bisa ng isang 25-taong kontrata, naglaan ng ₱50 bilyon para sa proyekto. Sa nagdaang pitong taon, walang ibang idinulot ang kumpanya sa komunidad kundi pagwasak sa kalikasan.
Nagtayo ang kumpanya ng dalawang dam sa Sityo Ties, Barangay Budlasan at sa Sityo Anunang, Barangay Puso sa bayan ng La Castellana, Negros Occidental upang ipunin ang tubig mula sa Binalbagan River. Nilinlang nila ang mga magsasaka na ibenta ang kanilang lupa para sa pagtatayo ng proyekto sa murang halaga na ₱3,000 hanggang ₱30,000.
Dagdag rito, dahil substandard ang pagkakagawa sa mga dam ay malaki ang banta ng pagguho ng lupa at pagkasira ng istruktura na maaaring magdulot ng mapaminsalang pagbaha na maglulubog sa mga pananim, alagang hayop, at mga kabahayan. Noong Nobyembre 2025, aabot sa libu-libong mamamayan ang naapektuhan ng pagbaha sa erya dulot ng Bagyong Tino.
Mahigit isang taon na ang lumipas ngunit wala pa ring natatanggap na kumpensasyon ang mga biktima mula sa kumpanya. Sa halip na bayaran ang danyos at bigyang-proteksyon ang mga apektadong pamilya, mas pinili ng kumpanya na gumastos para sa serbisyo ng militar upang takutin at pigilan ang mga mamamayan na magsampa ng reklamo.
Direktang kumikita ang mga upisyal militar ng 3rd ID, 303rd IBde, 62nd IB at 94th IB sa pagprotekta nito sa mga mapangwasak na operasyon ng ACDC. Nangikil ang militar ng tinatayang 3% mula sa ₱50 bilyong aprubadong badyet ng ACDC. Kumukubra din ito sa iba pang proyekto ng kumpanya sa Manjuyod, Bindoy, at iba pang bahagi ng Negros Oriental.
—ulat mula sa Ang Paghimakas, rebolusyonaryong pahayagan sa Negros Island
The post Planong detatsment militar sa Canlaon City, napatigil ng mga residente appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

