Naglunsad ng operasyong haras ang isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central Negros (Leonardo Panaligan Command) laban sa detatsment militar ng 62nd IB sa Sityo Crossing Lansang, Barangay Talaon, La Libertad, Negros Oriental noong Nobyembre 14. Tahimik at maingat na kumilos ang yunit ng BHB ng alas-7 ng gabi para mapaputukan ang tropang militar at bulabugin ang kanilang pagkakampo.

Ayon kay Ka JB Regalado, tagapagsalita ng BHB-Central Negros, inilunsad ang armadong aksyon bilang tugon sa panawagan ng mga residente para sa hustisya sa patung-patong na paglabag sa karapatang-tao ng batalyon. Kabilang sa pinakamalulupit na krimen ng 62nd IB sa barangay ang pagpatay kay Rolito Tanillo noong Pebrero 2025.

Si Tanillo ay dinampot ng mga sundalo sa kanyang bahay, dinala sa ibang lugar para paslangin. Pinalabas na namatay siya sa isang engkwentro sa BHB. Bago pa man ang insidente ay ilang ulit na nakaranas ng panggigipit si Tanillo at kanyang pamilya mula sa mga pwersa ng estado.

Noong nakaraang taon, binatikos ni Regalado ang pagpatay ng militar kay Tanillo na tinawag nitong isang “duwag na ganting-salakay” ng militar sa walang kalaban-labang mga sibilyan. Ayon kay Regalado, isinagawa ng mga sundalo ang pagpaslang matapos ang hakbang-pamarusa ng hukbong bayan noon sa mapangwasak na konstruksyon ng pamilyang Limkaichong, dinastisyang pampulitika sa La Libertad.

Matapos ang operasyong haras, ligtas na nakaatras ang yunit ng BHB-Central Negros. “Nananatili tayong matapang at determinado na isulong ang digmang bayan at pagkakamit sa hustisyang panlipunan,” pahayag ni Regalado.

The post Detatsment militar ng 62nd IB sa Negros Oriental, pinaulanan ng bala ng BHB appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.