Nakalaya na sa bisa ng bono si Joel Abellera, magsasaka, isa sa mga lider ng barikada sa Dupax Del Norte at residente ng Barangay Oyao noong Nobyembre 17. Sinampahan siya ng gawa-gawang kaso na illegal possession of fire arms at pagnanakaw.

Madaling araw noong Nobyembre 16 nang hulihin si Abellera ng mga elemento ng Philippine National Police (PNP)-Dupax del Norte habang natutulog sa isang van.

Ayon sa ulat ng PNP, humigit kumulang 20 armadong lalaki, walo may dalang pistol at shotgun, ang pinasok ang isang bahay sa Sitio Keon, Barangay Bitnong bandang alas 7:30 ng gabi noong Nobyembre 15. Tinutukan umano ng mga ito ang apat na gwardya at tinangay ang humigit-kumulang 20 sa 68 kahon ng ore sample, kasama ang selpon ng isang guwardiya. Sa follow-up operations, narekober diumano ng mga pulis ang 12 sako ng ore sample at anim na kahon ng ore malapit sa sakahan ni Abellera sa Barangay Oyao. Nakuha din diumano sa kana ang ilang piraso ng pinaghihinalaang ores sample.

Samantala, sa sesyon ng Sangguniang Bayan noong Nobyembre 17, ipinahayag ni Randolph Tominez, Municipal Councilor at Chairman on Peace and Order and Public Safety sa isang privilege na may ulat na nakarating sa kanya na nagsasabing, “inilipat ang mga ore sample gamit ang mga mobile ng pulis noong gabi ng Nobyembre 15, alas-9:00 ng gabi.”

Tinawag naman ni Atty. Fidel Santos, abugado ni Abellera, ang PNP Nueva Viscaya na gumagawa ng “fishing expedition” sa paghahanap ng mga kawatan kaugnay sa panloloob at pagtangay ng mineral ore sa Bitnong, Dupax del Norte.

Ayon kay Atty. Santos, umuwing lasing si Abellara at nakatulog sa loob ng isang van. Nagulat na lamang siya nang dumating ang mga pulis at ginising siya doon. Inaresto siya dahil ay kasama diumano siya sa panloloob sa Sityo Keon kahit walang dalang mandamyento de aresto at malayo siya sa pinangyarihan ng sinasabing krimen. Dagdag dito, kinasuhan siya ng illegal posession of firearms samantalang wala siyang hawak na baril.

Bukod dito, nagpahayag din ng pangamba at takot ang mga nagbabarikada sa Sityo Keon dahil sa dami ng mga ahenteng paniktik ng PNP na nakikita sa lugar. Ayon kay Atty. Santos, may mga indibidwal umanong kinakausap at kinukuhanan ng impormasyon, kabilang ang may-ari ng van na pinipilit paaminin kung sino ang humiram ng sasakyan.

Aniya, hindi dapat magkaroon ng militaristang presensya sa komunidad dahil nagdudulot ito ng pangamba sa kanilang mga kliyente.

Sa kaugnay na balita, naglabas ng resolusyon ang Regional Trial Court Branch 30 ng Bayombong, Nueva Viscaya noong Nobyembre 9 na pinagbigyan ang mosyon ng Woggle Corporation para sa ganap na pagpapatupad ng writ of preliminary injuction na inilabas noong Disyembre 4, 2025.

Dito, pinagbabawalan ang mga nagbabarikada na hadlangan ang pagpasok at pagdaan ng mga tauhan ng Woggle sa kahabaan ng Keon Road at hadlangan ang pagkuha at paglilipat ng natitirang core samples patungo sa CENRO Aritao.
Kasalukuyang nasa ilalim ng indefinite suspension ang exploration permit ng Woggle Corporation matapos itong suspendihin ng Mines and Geosciences Bureau noong Pebrero 2026,

Mariin itong kinundena ng mga residente at nanindigan na hindi nila pahihintulutan ang paglabas ng mga core sample kahit inutos pa ito ng korte.

Anila, maaring gamitin ng kumpanya ang core samples bilang batayan para makakuha ito ng Financial or Technical Assistance Agreement (FTAA).

The post Kontra-minang residente ng Dupax del Norte, sinampahan ng gawa-gawang kaso ng PNP appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.