Kinaladkad, binitbit at brutal na inaresto ng mga pwersa ng Philippine National Police (PNP) ang 236 Lakbayani mula sa Southern Tagalog noong Nobyembre 15 ng hapon sa Muntinlupa City. Ang mga dinakip ay delegado ng isinagawang 70-kilometrong Lakbayan ng Timog Katagalugan tungong Maynila ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Southern Tagalog para tutulan ang Pax Silica at pagbisita ni US Pres. Donald Trump sa Pilipinas para sa ASEAN Summit.

Nasa Sucat People’s Park sa Sucat, Muntinlupa City ang mga Lakbayani nang isagawa ng mga pulis ang malawakang pag-aresto. Nagsimula ang lakbayan ng mga grupo sa Los Baños, Laguna noong Nobyembre 12 na patungo sana sa Liwasang Bonifacio, Maynila kung saan sila magkakampuhan kasama ang iba pang mga grupo.

Hindi sinanto ng mga berdugo kahit ang mga bata, babae at matatanda, at maging ang mamamahayag ng alternatibong midya, mamamahayag pangkampus at mga paralegal. Kabilang sa marahas na inaresto ang 29 magsasaka at katutubong Mangyan, 19 na mamamahayag, at 19 na mga bata. Ikinulong sila sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City, habang ang mga bata ay dinala sa Bahay Pag-asa na isang pasilidad ng Department of Social Welfare and Development sa Muntinlupa City.

Ang mga detenido ay dumaranas ng siksikang kulungan, mainit na panahon, kawalan ng maayos na bentilasyon at napakasamang mga kundisyon. Tahasan din silang pinagkakaitan ng pagkain, mga gamot at iba pang pangangailangan. Naigiit lamang ito at ang iba pa nilang mga karapatan matapos tumugon ang mga abugado ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) at iba pang boluntir na abugado.

Tumulong sa pagtitiyak ng maayos nilang kalagayan ang mga mambabatas at myembro ng mga partido sa ilalim ng Koalisyong Makabayan. Bumuhos rin ang suportang pagkain at iba pang pangangailangan mula sa mga taong-simbahan, propesyunal, at iba pang sektor. Kabi-kabila rin ang panawagang kagyat na palayain ang mga Lakbayani mula sa mga unibersidad, akademya, at mga institusyon.

Binabalak ng mga pulis na sampahan ang mga Lakbayani ng mga kaso kaugnay ng paglabag sa Pambansa 880 (Public Assembly Act of 1985), Article 155 (Alarms and Scandal), at Article 151 (Resistance and Disobedience) ng Revised Penal Code. Sa ulat na natanggap ng NUPL, sinasabing iligal na isinagawa ang “inquest proceeding” o paghaharap ng sakdal sa mga inaresto nang hindi sila dinadala sa proseksyutor.

“Ang sinasabing pagsasagawa ng mga inquest proceeding nang hindi humaharap ang mga nakakulong na indibidwal sa inquest prosecutor at binibigyan sila ng pagkakataong marinig, na tinutulungan ng abugadong kanilang sariling pinili, ay nagiging sanhi ng matinding paglabag sa nararapat na proseso,” ayon sa NUPL sa isang pahayag noong umaga ng Nobyembre 18.

Isang araw bago nito, nagsampa ng mosyon ang NUPL sa Muntinlupa City Prosecutor’s Office na nanawagan ng agarang pagpapalaya sa mga inaresto dahil sa iligal na detensyon. Ayon sa grupo, nilabag ng PNP ang mga karapatan ng mga detenido alinsunod sa Article 125 ng Revised Penal Code kung saan ipinagbabawal ang pagkukulong ng 36 na oras nang walang pormal na kasong inihaharap sa mga inaresto.

“Eighteen hours lang dapat ay kung walang formal charges, dapat immediately i-release sila. So nag-lapse na ‘yon nung 8:30 am pa kahapon [Nov. 16, Monday]. So malinaw talaga [na] illegal detention at ang panawagan namin, i-release na,” pahayag ni Atty. Panguban, isa sa mga abugado mula sa NUPL.

Nagpapatuloy ang piket ng mga progresibong grupo sa harap ng Camp Bagong Diwa para tulungan ang mga detenido at igiit ang kanilang paglaya. “Walang ibang dahilan ang patuloy na pagpiit sa mga Lakbayani kundi ang patuloy na pagsupil ng administrasyong Marcos sa mga protesta laban sa pagbenta ng ating likas-yaman at soberanya,” pahayag ni Jesus Monasterial, isa sa mga tagapagsalita ng Lakbayan ng Timog Katagalugan.

Ang pag-aresto sa mga Lakbayani ng Southern Tagalog ay parte ng malawakang pasistang panunupil na ipinatupad ng rehimeng Marcos sa Metro Manila at buong bansa kaugnay ng pagbisita ni Trump sa Pilipinas kasabay ng ASEAN Summit.

The post 236 Lakbayani mula Southern Tagalog, brutal na inaresto ng mga pulis sa Muntinlupa City appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.