Mariing kinukundena ng National Democratic Front-Cagayan Valley at ng mamamayang Cagayano ang gaganaping 49th ASEAN-US Special Summit sa Pilipinas na dadaluhan ni US President Donald Trump sa November 16-18. Layunin ng nasabing pagpupulong na pagtibayin ang pagsasabwatan ng imperyalistang US at mga papet nitong pinuno ng mga bansa sa Southeast Asia upang lalo pang kontrolin ang ekonomya at dominahan ng imperyalistang US ang rehiyon sa pamamagitan ng Pax Silica Initiative.

Ang Pax Silica Initiative ay bagong pang-ekonomya, pang-teknolohiya at pangmilitar na iskema ng US na may layong kontrolin ang mahahalaga at natatanging yamang mineral para sa Artificial Intelligence (AI), produksyon ng mga semikonduktor at abanteng elektronikong sangkap para sa modernong armamento sa gera kagaya ng drone, missile at abanteng teknolohiya para sa surveillance.

Sa ASEAN Summit na ito, ikokonsolida ni Trump ang mga papet nitong pinuno sa Southeast Asia upang pagtibayin ang planong gawing sentro ng Pax Silica Initiative ang Pilipinas. Sa New Clark City sa Tarlac, itatayo sa 1,620 ektaryang inaagaw na lupa ng mga magsasaka’t katutubong Ayta ang mga processing plant ng mga kritikal na mineral at hilaw na materyales para sa mga semikonduktor para sa mga de-kalibreng armas at gamit-pandigma. Sa proyektong ito ay dadambungin at kokontrolin ng imperyalistang US at mga kaalyado nito ang mahahalaga at natatanging yamang mineral ng bansa at ng Asia, para kontrahin ang karibal nitong imperyalistang China.

Sa Pax Silica Initiative, labis na nanganganib ang Cagayan Valley sa ibayo pang panggagahasa sa ating likas-yaman. Narito sa rehiyon ang mga kritikal na mineral na sangkap para sa semikonduktor kagaya ng iron ore, gold, copper at nickel, na malaon nang dinadambong ng imperyalistang US simula pa kinolonya ang bansa. Higit pang wawasakin ang ating kabundukan, ilog at baybayin sa patuloy na pagmimina dito ng mga dayuhang kumpanya at kanilang kasabwat na malalaking burges kumprador at burukrata kapitalista.

Ang pagwasak sa ating mga kabundukan, baybayin at ilog dahil sa malakihang pagmimina ay nagdudulot ng labis na bulneralibilidad ng rehiyon sa mga kalamidad. Nasaid na ang watershed ng Sierra Madre na nagdudulot ng kakulangan sa tubig at pagkatuyot ng mga sakahan. Sa panahon ng malalakas na bagyo at ulan kagaya ng Bagyong Lawin at Ulysses, rumaragasa ang malakihang pagbaha na naglubog sa mga kabahayan, imprastruktura at sakahan sa rehiyon. Sa mga baybayin at tabing ilog kung saan nagmina ng black sand ay nabaha ang mga komunidad at mga sakahan.

Sa pagtatayo ng mga planta at pasilidad ng Pax Silica sa Pilipinas, pinaiigting ng imperyalistang US ang paghahanda sa gera upang pagharian ang Asya sa ekonomya, teknolohiya at militar laban sa karibal nitong imperyalistang China. Ang presensya ng mga EDCA site at tuloy-tuloy na paglulunsad dito sa bansa ng mga military exercises ng US, kabilang na sa rehiyon ng Cagayan Valley, ay nagsisilbing proteksyon ng Pax Silica. Gayunding isinisigurado nito ang suplay sa hilaw na materyales para sa produksyon ng mga armas, kagamitan at abanteng teknolohiya para sa panunulong at pang-uupat ng imperyalistang digma ng US.

Sa pagtataguyod ng rehimeng Marcos Jr sa Pax Silica Initiative, ibayo pang pinasasahol ang pagiging neokolonya ng Pilipinas ng imperyalistang US kung kaya’t nananatiling sakiting tuta na hindi makatindig sa sariling paa. Hangga’t ang bayan ay hawak sa leeg ng imperyalistang US, mananatili itong atrasadong agrikultural, hindi makapag-industriyalisa, at ang ating likas-yaman at rekurso ay mananatiling palabigasan lamang ng imperyalistang US, kung kaya’t lalala nang lalala ang krisis at kahirapang dadanasin ng mamamayang Pilipino.

Ang Pax Silica Initiative ay indikasyon ng papalalang krisis ng imperyalismo. Tumitindi ang paligsahan ng imperyalistang US at mga kalaban nito sa pagkopo sa pinakamalaking ganansya, kung kaya’t umiigting ang kanilang paligsahan sa kontrol sa rekurso sa likas yaman ng mundo, sa produksyon, sa kalakalan at buong ekonomiya at teknolohiya na humahantong sa pagpapaigting ng panghihimasok at pang-aatake ng imperyalistang US sa mga bansa sa iba’t ibang panig ng mundo, at paghahanda nito sa gera sa Asya.

Ang mamamayang Cagayano ay may magiting na kasaysayan ng paglaban sa pandarambong sa ating likas-yaman at paggamit sa ating bansa bilang lunsaran ng imperyalistang digma ng US. Nariyang nagpataw ang New People’s Army ng parusa sa ilang mapandambong na kumpanya sa mina. Gayundin, nagprotesta ang militanteng kilusang masa hanggang mapatigil ang black sand mining. At hanggang sa kasalukuyan, tuloy-tuloy na itinitirik ang mga barikada ng mamamayan laban sa mapaminsalang pagmimina, na malinaw na may kaugnayan sa tinututulan ngayong Pax Silica Initiative.

Ang Pax Silica Initiative ay di-maikakailang panibagong istruktura ng imperyalistang dominasyon sa bansa. Ang pakikibaka laban dito ay pakikibaka para sa pambansang demokrasya. Upang magapi ito, kailangang palakasin ang digmang bayan ng mamamayang Pilipino, na mapagpasyang papatid sa kontrol ng imperyalistang US sa bansa, kasama ang pagpapabagsak sa pyudal na paghahari ng mga panginoong maylupa, at ng malalaking burges kumprador na nagsisilbing kasabwat nito sa pagpiga sa yaman at rekurso ng bayan, para sa dayuhang interes.

Sa pakikibaka laban sa Pax Silica Initiative, iginigiit natin ang pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa upang mabawi at mapasakamay ng mamamayan ang karapatan sa lupa at likas-yaman ng bansa. Isinusulong natin ang pambansang industriyalisasyon upang lubos na mapanghawakan ang paggamit sa ating likas-yaman para sa pangangailangan ng lipunan at humulagpos mula sa pagsandig sa monopolyo kapitalistang pamumuhunan at kontrol nito sa ekonomya.

Labanan ang Pax Silica Initiative at wasakin ang lahat ng istruktura ng imperyalistang dominasyon sa bansa! Ipagtagumpay ang digmang bayan at kamtin ang tunay na pambansang kalayaan at demokrasya!

The post Labanan ang Pax Silica Initiative at isulong ang digmang bayan upang wasakin ang imperyalistang kontrol ng US sa bansa appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.