Limang bilanggong pulitikal sa Mountain Province ang nakalaya matapos ipawalang-sala ng isang korte sa bayan ng Bontoc noong Nobyembre 11 sa mga kasong pagpatay at bigong pagpatay. Ayon sa Mountain Province Human Rights Advocates (MPHRA), nakalabas mula sa Mountain Province District Jail sina Julius Balas, Arjie Battawang, Angeline Ekko, Ricca Llanes at Daniel Ladawan noong Nobyembre 12.
Pinasalamatan ng grupo ang mga pamilya, abugado, at tagapagtaggol sa karapatang-tao na naging katuwang sa mga pagdinig at buong proseso ng kaso. “Nakikibahagi kami sa kanilang kagalakan dahil sa wakas ay nagkasama na sila at muling nakapiling ang kani-kanilang pamilya,” pahayag ng MPHRA.
Pinagpugayan din ng MPHRA ang tapang at paninindigan ng limang bilanggong pulitikal sa harap ng ilang taong hindi makatarungang pagkakulong. Ayon sa grupo, ang pagpapawalang-sala sa kanila ng korte ay nagpapatunay lamang na gawa-gawa at walang batayan ang mga kasong isinampa sa kanila.
Gayunman, ayon sa MPHRA, higit na makukumpleto ang pagbibigay-hustisya kung mapapawalang-sala at mapalalaya rin sa pagkakakulong ang tatlo pang bilanggong pulitikal sa prubinsya na sina Alladin Solang, Lolita Loguibis at Lupito Dawala. “Ang pagsasampa ng gawa-gawang kaso laban sa Bontoc 8, ngayo’y Bontoc 3, ay lubos na hindi makatarungan at labag sa katutubong katangian na inayan, na isang paalala na gumawa ng mabuti sa pakikipagkapwa, pamayanan, at kalikasan,” anito.
Nanawagan ang MPHRA na patuloy na magpahayag ng suporta at pakikiisa sa lahat ng bilanggong pulitikal at ipanawagan ang kanilang agarang paglaya. “Walang hustisya o tunay na kalayaan kung ang mga bilanggong pulitikal ay nananatiling nakakulong, o patuloy silang nadaragdagan,” ayon sa grupo. Dapat umanong tuligsain ang pagsasampa ng gawa-gawang mga kaso at panagutin ang mga pwersa ng estado na nasa likod nito.
The post 5 bilanggog pulitikal sa Mountain Province, nakalaya na appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

