Sinakal, kinaladkad at di makatarungang inaresto ng Philippine National Police (PNP) ang tatlong estudyante ng University of Makati (UMak) habang nagsasagawa ng protesta noong Nobyembre 13 kontra Pax Silica at pagbisista ni US Pres. Donald Trump sa bansa. Darating sa Pilipinas ang hepe ng imperyalismong US para dumalo sa pagpupulong ng mga lider ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at inaasahang pagpirma sa kasunduan para sa Pax Silica hub na itatayo sa Tarlac.

Habang isinasagawa ng mga estudyante ng UMak ang kanilang protesta, dumating ang ilang myembro ng PNP sa lugar at binuwag ang pagkilos. Iginiit ng mga pulis na “iligal” ang protesta dahil sa kawalan ng kinakailangang permit para magrali. Dahil sa marahas na pagdampot sa mga estudyante, nagkaroon sila ng mga pasa at sugat.

Kinundena ng mga grupo ng kabataan at grupo sa karapatang-tao ang karahasan ng pulis. Nanawagan sila na agarang pagpapalaya sa tatlong kabataang-estudyante.

“Mahalagang maunawaan na ang karapatan sa malayang pagpapahayag ay hindi dapat basta-basta pigilan o patahimikin. Hindi dapat maging hadlang ang kawalan ng permit upang tuluyang patahimikin ang boses ng mga mamamayang nais magpahayag ng kanilang paninindigan,” pahayag ng balangay ng Concerned Students for Justice and Peace sa UMak.

Sumporta rin sa mga naaresto ang UMak College of Governance and Public Policy-Student Council. “Nanindigan kami na ang pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan ay hindi dapat maging dahilan upang labagin ang mga karapatang pantao at demokratikong kalayaan ng mamamayan,” pahayag ng konseho.

Hinimok ng konseho ang mga kapwa estudyante sa UMak na igiit ang pagpapalaya sa tatlong inaresto at suportahan ang pangangalap ng pyansa. Anito, binibigyan ngayon ng ligal na tulong ang mga inaresto ng UMak School of Law.

Binatikos ng Youth Against Pax Silica (YAPAX) ang pag-aresto sa mga nagprotesta. Ang YAPAX ang nanguna sa isinagawang National Day of Action noong Nobyembre 13 laban sa Pax Silica at pagbisita ni Trump. Lumahok sa mga pagkilos at walkout sa buong bansa ang hindi bababa sa 15,000 kabataan at estudyante.

The post 3 estudyante ng University of Makati, inaresto sa protestang kontra Pax Silica, Trump appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.