Mahigit 15,000 kabataang Pilipino ang lumahok sa pambansang koordinadong walkout at protesta noong Nobyembre 13 laban sa Pax Silica at pagbisita ni US Pres. Donald Trump sa Pilipinas sa Nobyembre 17. Darating sa Pilipinas ang hepe ng imperyalistang US para dumalo sa pagpupulong ng mga lider ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at inaasahang pagpirma sa kasunduan para sa Pax Silica hub na itatayo sa Tarlac.

Sa pangunguna ng Youth Against Pax Silica (YAPAX), inilunsad ng mga konseho ng mag-aaral, pahayagang pangkampus, mga pambansa-demokratikong grupo, at iba pang organisasyon ang National Youth Day of Action. Ayon sa YAPAX, ang pagpapahayag nila ng pagtuol sa Pax Silica at pagtuligsa kay Trump ay pagtatanggol sa kanilang kinabukasan.

Tutol ang mga kabataan at estudyante sa Pax Silica dahil sisirain nito ang kalikasan, palalayasin ang mga katutubong Ayta at magsasaka at lalong magpapahigpit sa kapit ng imperyalismong US sa Pilipinas. Sasakupin ng itatayong Pax Silica hub o economic security zone (ESZ) ang 1,620-ektarya ng lupain sa New Clark City sa Capas, Tarlac.

Ituturing ito bilang “AI-native industrial acceleration hub” na eksklusibo para sa mga kumpanya ng US at sa mga iimbitahan nitong kaalyado. Itatayo dito ang “artificial intelligence hub”, mga data center at iba pang imprastruktura. Mangangailangan ng malaking bolyum ng “ultrapure water” ang mga data hub, at suplay ng kuryente na hindi bababa sa 5 gigawatts para sa buong security zone.

Pinakamalaki ang pagkilos ng mga kabataan at estudyante sa Baguio City kung saan humungos sa Igorot Park ang tinatayang 9,000 katao mula sa 13 unibersidad at paaralan. Bago ang programa sa Igorot Park, kanya-kanyang programa ang inilunsad sa mga unibersidad at paaralan. Nagkaroon ng mga pagkilos sa Saint Louis University, University of the Philippines (UP)-Baguio, University of Baguio, Baguio City National High School, Benguet State University at University of the Cordilleras.

“Pinaralisa ng mga estudyante mula sa buong Baguio-Benguet ang mga kalsada ng syudad habang isinisigaw ang mga panawagang Reject Pax Silica! Defend Cordillera! Trump Out!” ayon sa League of Filipino Students (LFS) Baguio-Benguet. Ayon sa grupo, makasaysayan ang anti-imperyalistang pagkilos ng mga kabataan at estudyante sa syudad.

Malawak rin ang partisipasyon ng mga unibersidad sa Metro Manila sa pambansang araw ng pagkilos. Hindi bababa sa 20 unibersidad at paaralan ang lumahok sa araw ng pagkilos. Pinakamalalaki ang protesta sa UP Diliman, Polytechnic University of the Philippines (PUP)-Manila at University of Sto. Tomas (UST) .

Kumilos rin ang mga estudyante sa UP Manila, De La Salle University (DLSU), DLSU-College of St. Benilde, Far Eastern University, Ateneo de Manila University, Adamson University, Arellano University, EARIST, National Teachers College, St. Scholastica’s College Manila, Rizal Technological University-Boni, Philippine Normal University, Technological University of the Philippines, Pamantasan ng Lungsod ng Marikina at iba pang unibersidad. Sa University of Makati, tatlong lider-estudyante ang marahas na inaresto ng mga pulis habang nagsasagawa ng pagkilos.

Sa iba pang prubinsya sa Luzon, nagkarooon ng mga pagkilos sa University of Pangasinan, Pangasinan State University, Urdaneta City University, Bulacan State University, Central Luzon State University, UP-Clark, Tarlac State University, University of Rizal System, Southern Luzon State University, at Ateneo de Naga University. Samantala, mahigit 1,000 ang nagprotesta sa UP Los Baños noong Nobyembre 12.

Sa Visayas, kumilos ang mga estudyante ng UP Visayas habang sa Mindanao ay nagprotesta ang mga estudyante ng UP Mindanao at Ateneo de Davao University.

Maliban sa mga unibersidad na lumahok sa walkout, maraming iba pang organisasyon sa mga kampus ang naglabas ng pahayag ng pakikiisa sa pagkilos at pagtuligsa sa Pax Silica at pagdating ni Trump. Sa susunod na mga araw, nakatakda pa ang mga walkout at pagkilos sa ilang kampus tulad ng UP Cebu, Cebu Normal University, Cebu Technological University, Southwestern University, University of San Carlos at Mindanao State University sa Iligan City at Marawi.

Ayon sa YAPAX, ang pambansang araw ng pagkilos ay bahagi lamang ng kanilang tuluy-tuloy na paglahok sa mga protesta hanggang sa dumating si Trump sa Pilipnas at magtapos ang pagpupulong ng ASEAN. Bahagi rin ang mga ito ng kampanyang “Trump Out!” at 12 araw na protesta na pinanungunahan ng mga progresibong grupo kabilang ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).

The post Libu-libong estudyante, nag-walkout kontra Pax Silica, pagbisita ni Trump sa bansa appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.