Magkasunod na raling-iglap ang inilunsad ng mga alyadong organisasyon ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa nagdaang linggo para tutulan ang pagbisita ni US Pres. Donald Trump sa Pilipinas sa Nobyembre 17. Ang pagpunta ng hepe ng imperyalismong US sa bansa ay kasabay ng isasagawang pagpupulong ng mga lider ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at inaasahang pagpirma sa kasunduan para sa Pax Silica hub na itatayo sa Tarlac.

Noong Nobyembre 9, isinagawa ng Katipunan ng mga Gurong Makabayan (Kaguma) ang raling-iglap sa Maynila. Nagtanghal din ang grupo ng isang tula na pinamagatang “Sa Tudla ng Mundo” na nanawagan ng pagwasak sa kasalukuyang kaayusang malakolonyal at malapyudal sa Pilipinas.

Kabilang sa mga lumahok sa pagkilos ang mga balangay ng Kaguma na Alice Guillermo, Kevin Castro, Monico Atienza, at Roval Belayro. Ang sigaw ng mga rebolusyonaryong guro: “Biguin ang Pax Silica! Isulong ang digmang bayan! Labanan ang imperyalistang pandarambong! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!”

Noong Nobyembre 11, nagmartsa sa loob ng University of the Philippines (UP)-Diliman sa Quezon City ang Kabataang Makabayan, Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan, Artista at Manunulat para sa Sambayanan, Liga ng Agham Para sa Bayan at Kaguma laban kay Trump. Hinimok nila ang mga kabataan at kabaataang-estudyante na kumilos laban sa Pax Silica at iba pang mga imperyalistang patakaran at proyektong nagpapahirap sa mga Pilipino.

“Bilang kabataan, tungkulin nating tumugon sa hamong ito at buong lakas na ibigay ang ating sarili upang pandayin ang kinabukasan na tao mismo ang magmamana,” ayon sa nagkakaisang pahayag ng mga grupo.

Samantala, nagsagawa ng operasyon pinta at operasyon dikit ang KM sa kahabaan ng Old Sta. Mesa at Valenzuela Street sa Maynila noong Nobymebre 9. Nanawagan ang KM sa mga kabataan na labanan ang pagkamkam ng imperyalistang US sa mga likas na yaman ng bansa, ibayong kaisahin ang lahat ng uring pinagsasamantalahan, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan at isulong ang demokratikong rebolusyong bayan.

Bilang alyansa ng mga patriyotiko at progresibong uri at sektor, isinusulong ng NDFP pakikibaka para sa pambansang paglaya at demokrasya sa pamamagitan ng digmang bayan. Layunin nitong ibagsak ang hindi makatarungan at marahas na panlipunang sistemang pinaghaharian ng imperyalismong US at mga lokal na ahenteng kumprador at panginoong maylupa.

The post Mga alyadong grupo ng NDFP, nagprotesta kontra pagbisita ni Trump sa Pilipinas appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.