Nangangamba ang mga residente ng Labo, Camarines Norte sa posibleng negatibong epekto sa kalikasan, watershed at pinakukunan ng tubig ng Camarines Norte Water District (CNWD) kasunod ng planong open-pit mining sa lugar sa ilalim ng Benit Copper-Gold Project ng CamNorte Resource Corporation at Mabilo Copper-Gold Project sa Napaod, na pinangangasiwaan ng Mt. Labo Exploration and Development Corporation.
Sa ngayon, ang Benit Copper-Gold Project ay nasa prosesp ng pagrerebyu ng Environmental Impact Statement (EIS) pa lamang. Nakatakdang maglunsad ng pagdinig para rito sa Nobyembre 25. Sasaklawin ng proyekto ang nasa halos 498 ektarya sa Barangay Benit, Matanlang, at Mabilo I.
Ang Mabilo Copper-Gold Project naman ay may Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) at environmental approvals na pero may mga rekisito pa itong kailangang tugunan bago ang aktwal na operasyon. Nagsimula na din ang ilang paghahanda sa site, kabilang ang pagputol ng mga puno at pagtayo ng mga pansamantalang upisina. Sasaklawin ng proyekto ang nasa 3,484 ektarya sa Barangay Napaod at Bayan-bayan.
Ikinabahala rin ng mga residente ang posibleng pagpapalayas sa nasa 70 pamilya na nakatirik sa lupang planong bungkalin.
Nagpahayag si Bishop Herman Abcede, Obispo ng Daet, ng pagtutol sa planong pagmimina sa munisipyo. Sa isang sulat na pinadala niya kina Governor Ricarte “Dong” Padilla, mga myembro ng Sangguniang Panlalawigan, Mayor Jojo Francisco, at mga myembro ng Sangguniang Bayan ng Labo, hiniling niya sa mga upisyal na maghain aghain ng kani-kanilang oposisyon upang pormal na maipahayag ang pagtutol sa planong Benit Copper-Gold Project.
Ang Mt. Labo Exploration and Development Corporation ay pagmamay-ari ng SRM Gold Inc (40% subsidiaryo ng RTG Mining Inc, kumpanyang nakabase sa Australia), at ng TVI Resources Dev. Phils. Inc. (60% kontrolado ng TVI Pacific Inc, kumpanyang nakabase sa Canada at 40% ng Prime Resource Holding Inc. ng pamilyang Villar).
The post Planong pagmimina sa Camarines Norte, ikinabahala ng mga residente appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

