Habang pinahihintulutan ng papet ng US na si Marcos ang patuloy na pagpapalawak ng presensya ng mga tropang Amerikano at pagpaparami ng mga upisyal at sikretong mga pasilidad-militar, lalong lumalaki ang panganib sa kaligtasan ng mamamayang Pilipino, sa harap ng kaliwa’t kanang pang-uupat ng imperyalismong US ng gera para sa pagpapalawak ng kanyang kontrol sa mga pinagkukunan ng rekurso, kalakalan at mga pamilihan.
Lalo tumingkad ngayon ang banta na makaladkad ang Pilipinas sa mga gera ng US nang idineklara ng Iran na handa itong asintahin ang alinmang base militar ng US, kahit yaong nasa Europa at “malalayong isla na inaakala ng US na hindi abot ng kanilang mga misayl.” Ang deklarasyong ito ay ginawa matapos na muling bombahin ng US ang Iran at magbanta na susundan ito ng iba pa.
Matagal nang batid ng mamamayang Pilipino na inilalagay ng mga kasunduang militar tulad ng EDCA ang Pilipinas sa gitna ng kapahamakan. Patunay ang banta ng Iran na hindi ligtas ang alinmang teritoryong inaangkin ng mga pwersang militar ng US, lalo na ang mga bansang tulad ng Pilipinas na nagsisilbing lunsaran at imbakang-armas nito.
Bulaan ang mga pahayag ng AFP at ng rehimeng Marcos na ang Pilipinas ay hindi ginagamit ng militar ng US sa opensiba sa Middle East ang Pilipinas. Ang totoo, susing lokasyon ang bansa para sa mga dayong operasyon ng US mula sa Asia hanggang Middle East. Sa partikular, ang Aguila Subic Shipyard at mga imbakan at pasilidad ng US Navy sa Subic, Zambales ay nagsisilbi sa mga barkong pandigma ng US na lumalayag sa Western Pacific at Indian Ocean hanggang sa Middle East.
Ang mga barkong nabal ng US na nasa Strait of Hormuz ay nagmula sa Pilipinas bago idineploy doon. Nitong buwan lamang ay naglayag ang USS Theodore Roosevelt Carrier Strike Group matapos magsagawa ng “maritime patrol” sa Philippine Sea (nang hindi kasama ang mga tropang Pilipino) patungong Strait of Malacca at diretso sa Arabian Sea para irelyebo ang USS George Washington at USS George H.W. Bush. Nanggaling sa huling dalawang barko ang mga fighter jet at Tomahawk misayl na ginamit ng US para bombahin ang Qeshm Island (isang isla sa Strait of Hormuz) ng Iran noong Nobyembre 2.
Walang awtoridad ang Pilipinas na alamin o inspeksyunin ang mga pasilidad ng US sa bansa, wala itong alam kung anong mga armas, kagamitang pandigma, at operasyong ipinapasok ng militar ng US sa mga “EDCA site” at iba pang sikreto nitong mga imbakan at base.
Sa harap ng peligrong dala ng mga gerang agresyon ng US sa Middle East at iba pang bahagi ng mundo, marapat na lalong palakasin ng sambayanang Pilipino ang panawagan para sa agarang pagpapawalambisa sa EDCA at iba pang hindi pantay na kasunduang miltar, pagpapalayas sa lahat ng dayuhang tropang Amerikano, at paglalansag sa mga base at pasilidad militar nito sa bansa.
Ang papatinding agresyon ng imperyalismong US ay lalong nagpapaalab sa makabayang damdamin ng sambayanang Pilipino. Tiyak na patuloy silang maninindigan para sa tunay na pambansang kalayaan, na may tunay na nagsasarili at mapayapang patakarang panlabas, at malaya sa panghihimasok at mga gerang agresyon ng US.
The post Hinggil sa babala ng Iran na tatargetin ang mga pasilidad ng US sa “malalayong isla” appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

