Sa gitna ng matagal na paghihintay at kawalan ng katiyakan sa trabaho, nagkamit ng mahalagang tagumpay ang mga manggagawa ng International Wiring System (IWS) nitong Nobyembre. Dahil sa kanilang sama-samang pagkilos, napwersa ang kumpanya na i-recall o pabalikin sa trabaho at gawing regular ang 400 manggagawang nasa ilalim ng iskemang Fixed Term Employment (FTE). Bukod sa regularisasyon, napilitan din ang kapitalista na ibigay ang ₱20,000 signing bonus at ang 13th month pay ng mga manggagawa.
Ang IWS, gumagawa ng mga wiring harness, ay pag-aari ng multinasyunal na Sumitomo Wiring System (SWS). Matatagpuan ang pabrika nito sa Luisita Industrial Park sa Tarlac.
Ayon sa Laban ng Demokratikong Manggagawa (LDM-IWS-ADLO-KMU), ang mga konsesyong ito ay hindi kusang-loob na ibinigay ng kumpanya, kundi direktang bunga ng sama-samang pagkilos at pagkakaisa ng mga manggagawa sa loob ng planta. Anito, sa loob ng maraming taon, ginamit ng IWS ang iskemang FTE para makatipid sa pasahod at benepisyo habang nagkakamal ng limpak-limpak na tubo.
Sa ilalim ng FTE, direktang kinukuha o direct-hired ng kumpanya ang mga manggagawa. Pero imbes na gawing regular, nililimitahan lamang ang kanilang kontrata hanggang dalawa at kalahating taon (2.5 taon). Pagkatapos ng kontrata, inilalagay sila sa “floating status,” kung saan maghihintay sila nang ilang taon para sa “recall” nang walang katiyakan kung makababalik pa sila sa trabaho o tuluyan nang matatanggal.
Malinaw na paglabag sa karapatan ng mga manggagawa sa seguridad sa trabaho ang FTE ayon sa unyon.
Bukod dito, binatikos din ng mga manggagawa ang mga iskema para panatilihing mura ang lakas-paggawa sa planta. Isa rito ang “dual training system” (DTS) kung saan pinagtatrabaho sa linya ng produksyon ang mga manggagawa bilang “trainee” sa sahod na mas mababa sa minimum at walang benepisyo. Isa pa ang bagong ipinatupad na “Enterprise-Based Education Training” (EBET) na nagsisilbi pa ring balat-kayo sa malawakang kontraktwalisasyon. Katuwang sa mga iskemang ito ang Department of Labor and Employment (DOLE) at TESDA anang mga manggagawa.
Sinisingil ng mga manggagawa ang pakikipagsabwatan ng pamunuan ng unyong nakatayo sa pabrika sa mga kapitalista. Anila, hindi magtatagal ang ganitong mga anti-manggagawang iskema kung walang basbas at pakikipagsabwatan mula sa loob. Direkta nilang pinapanagot ang pamunuan ng SWS-IWS, ang pagpapabaya ng DOLE, at ang pagtataksil ng International Wiring System Workers Union (IWSWU), ang kasalukuyang unyon sa pagawaan na pinamumunuan Alex Tamina.
Ayon sa mga manggagawa, mula nang hawakan ng grupo ni Tamina ang unyon noong 2011, tuluy-tuloy nang lumobo ang bilang ng mga kontraktwal sa planta. Mula sa dating 30%, lagpas kalahati na ngayon ng kabuuang pwersa ng paggawa ng IWS ang kontraktwal.
Sa halip na ipaglaban ang regularisasyon, nanahimik ang liderato ni Tamina sa harap ng pananakot, mahabang oras ng paggawa, at mababang pasahod. Ngayong naigiit ang pagpaparegular, pilit namang inaangkin ni Tamino ang tagumpay na pinaghirapan ng mga manggagawa ayon sa unyon. Higit pa rito, patuloy na hinahadlangan ng grupo ni Tamina ang demokratikong karapatan ng mga manggagawa sa pamamagitan ng pag-apela sa DOLE na iantala ang Certification Election (CE) na magbibigay-daan para makapili ang mga manggagawa ng tunay at militanteng unyong kakatawan sa kanila.
Kasabay ng pagdiriwang sa naipagtagumpay na regularisasyon ng 400 FTE, iginiit ng LDM at ng pederasyong ADLO-KMU sa isang pagtitipon noong Nobyembre 5 na hindi pa tapos ang laban hangga’t daan-daan pang biktima ng kontraktwalisasyon ang naghihintay ma-recall. Nananatili ring barat ang sahod sa loob ng planta.
Sa harap nito, isinusulong ng mga manggagawa ang ₱1,200 nakabubuhay na sahod kada araw. Giit nila, hindi na kayang buhayin ng kasalukuyang ₱600 na minimum wage sa pabrika ang isang pamilya dahil sa walang-tigil na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
The post 400 manggagawa ng IWS, naibalik sa trabaho sa gitna ng laban sa kontraktwalisasyon at bawas-sahod appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

