Buong-pusong nakikiisa ang rebolusyonaryong kilusan ng Palawan sa pagtatanggol ng mga katutubong Molbog sa isla ng Balabac laban sa pangangamkam ng kanilang lupang ninuno ng rehimeng Marcos II at imperyalismong US.
Biktima ang mga katutubong Molbog ng maka-imperyalistang adyenda ng rehimeng Marcos Jr at ng layunin ng US na pahigpitin ang dominasyon nito sa rehiyong Asya-Pasipiko. Dulot nito’y lalong pagkasira ng kalikasan, paghadlang sa malayang pagpapasya ng mga pambansang minorya, at paglubha ng kalagayan ng mamamayan.
Sa kabila ng pananakot at pandarahas, matagumpay na nakaluwas ang dalawang kinatawan ng mga Molbog upang lumahok sa pambansang pagkilos sa Buwan ng mga Magsasaka. Bahagi ng pangkalahatang pakikibaka para sa lupa, kabuhayan, karapatang pantao at pambansang soberanya ang kanilang laban. Nasa sentro ng kanilang pagtutol ang pagtatayo ng higit 300-ektaryang Balabac Air Base sa Barangay Catagupan, isang regalo ng rehimeng US-Marcos para sa US sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at iniraratsadang E-NGP ng reaksyunaryong gubyerno. Nakatakdang paglagakan ang naturang paliparan ng 45 pasilidad militar.
Ngayon pa lamang, panganib na sa mga Molbog ang makapal na presensya ng mga sundalong Pilipino, at pana-panahong presensya ng mga sundalong Amerikano, at minsa’y Hapon sa isla habang naglulunsad ng mga karaniwa’y hindi-inaanunsyong mga pagsasanay militar sa isla. Lubos nang nalimitahan ang kanilang pangingisda at pag-aani ng seaweed, na pangunahin nilang pinagkukuhanan ng pagkain at kabuhayan.
Inabandona na nga, niyuyurakan pa ng reaksyunaryong gobyerno at ng mga opisina nito ang karapatan at kalayaang magpasya ng mga Molbog. Sa kabila ng pagtutol ng mayorya ng mga Molbog at residente sa pagtatayo ng Balabac Air Base, hindi kinilala ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang kanilang pagtutol. Lalupa itong niyurakan nang pahintulutan ng NCIP ang pagtatayo ng Balabac Air Base. Hindi lamang mga tahanan at kabuhayan ng mga Molbog ang nanganganib. Hinukay ang mga sagradong libingan at sinementuhan ang mga lugar-dasalan ng mga Molbog na lumapastangan sa kanilang kultura at paniniwala.
Dahil naman sa panganib na makasira ng mga punlang halaman na itinanim sa programa ng Expanded National Greening Program (E-NGP) ng DENR, hindi na rin magamit ng mga Molbog ang mga likas na yaman sa mga lupain ng nasa 7 barangay na nasasakupan ng E-NGP sa isla. Nahahadlangan ng walang-pahintulot na pagtatanim ng DENR ang pagdarasal at paglunsad ng mga tradisyunal na aktibidad. Liban sa Balabac, ilan sa mga erya sa E-NGP ay para bawiin ang mga pinutol na puno ng Ipilan Mining Corporation sa minahan nito sa Brooke’s Point at mag-ipon ng carbon credits para pabanguhin ang pinsala ng kanilang mga mina.
Labas sa mga EDCA sites, pinaglalawayan din ng imperyalismong US ang mga pagkukunan ng nickel at iba pang “critical minerals” nito sa ilalim ng Pax Silica.
Ito ang mga inisyatibang lubos na sinusuportahan ng mga burukrata kapitalista tulad ni Jose Chavez Alvarez, kongresista ngayon ng Palawan, na nais pang paramihin ang mga proyekto ng Pax Silica sa kapuluan ng Palawan. Ito rin ang mga inisyatibang nais ipagtanggol ng 3rd Marine Brigade, AFP Western Command at NTF-ELCAC na lubos na nais patahimikin ang paghahangad ng mga Molbog na ilantad ang kanilang tunay na kalagayan sa ilalim ng E-NGP at EDCA.
Sa 49th ASEAN Summit sa Pilipinas sa Nobyembre at pagdating ni Donald Trump, ang hinete ng imperyalismong US sa kasalukuyan, bahagi ang paghihirap ng mga Molbog sa pangkalahatang paghihirap ng sambayanang Pilipino. Mahalagang pagkakataon ang ilulunsad na Lakbayan ng Timog Katagalugan laban sa 49th US-ASEAN Summit upang iugnay ang pakikibaka ng mga Molbog sa paglaban ng sambayanan sa imperyalismong US, militarisasyon at pangangamkam ng lupa.
Ngunit magiging ganap lamang ang karapatan sa pagpapasya ng mga katutubong Molbog, at ang mga pambansa at demokratikong interes ng mamamayang Pilipino, sa tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan sa Pilipinas. Dapat palakasin ang rebolusyonaryong pakikibaka sa kapuluan ng Palawan sa pamamagitan ng pagpapalakas sa natatangi nitong Hukbo, ang Bagong Hukbong Bayan, na pangunahing binubuo ng mga katutubo’t mamamayang Palaweño na 18 taong gulang pataas, may malusog na pangangatawan at pag-iisip, at gumagampan sa dakilang papel sa pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya.
Itataguyod ng programa ng pambansa-demokratikong rebolusyon ang tunay na kapakanan, karapatan at kagalingan ng mamamayan, tunay na pangangalaga sa kalikasan at kaunlarang para sa kanila. Tanging ang rebolusyong ito ang magwawakas sa imperyalistang dominasyon ng US sa kapuluan at sa buong bansa at magpipigil sa pagsubo ng imperyalismong US sa mamamayang Pilipino sa niluluto nitong gera laban sa China.
The post Suportahan ang pakikibaka ng mga katutubong Molbog laban sa hungkag na E-NGP at paninibasib ng EDCA at imperyalismong US! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

