Binatikos ng mga grupo ng kabataan at estudyante sa Davao City ang paggamit sa National Service Training Program (NSTP) porum sa University of Mindanao (UM) para sa Red-tagging at panggigipit ng estado noong Nobyembre 7.

Ayon sa League of Filipino Students (LFS)-Davao at Kabataan Partylist-UP Mindanao, ginamit ng mga kinatawan mula sa National Intelligence Coordination Agency (NICA) Regional Office XI at National Task Force (NTF)-Elcac ang naturang porum para siraan at tawaging mga “terror-groomer” ang mga progresibong organisasyon tulad ng Anakbayan.

Iginiit ng LFS-Davao na isang anyo ng psychological warfare ang ginawa ng mga ahensya para takutin ang mga estudyante at kontrolin ang kanilang pag-iisip. Binatikos nito ang paggamit ng NTSP, na kunwa’y porum para sa patriyotismo para siraan ang progresibong organisasyon ng kabataan. Anito, labag ang paninirang ito sa karapatan ng kabataan para mag-organisa at magpahayag ng kanilang mga saloobin.

Binatikos din ng Kabataan Partylist-UP Mindanao ang administrasyon ng UM sa pagpapapasok sa mga pwersa ng estado sa loob ng kampus.

Nanawagan ang grupo sa UM na itigil ang pagpapatahimik sa mga estudyante, magbigay ng paliwanag hinggil sa nasabing porum, at igalang ang kalayaan at karapatan ng kanilang mga estudyante na nagpapahayag hindi lamang para sa kanilang mga sarili kundi para sa mga estudyante sa iba’t ibang paaralan.

The post Red-tagging ng NICA, NTF-Elcac sa UM, kinundena ng kabataang Dabawenyo appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.