Nagbabala ang grupo ng pananaliksik na IBON Foundation na mabilis nang tumutungo sa “stagflation” ang Pilipinas matapos nagtala ng 2.1% na paglago ang gross domestic product (GDP) ng bansa sa ikatlong kwarto (Q3) ng 2026. Kinatatangian ang stagflation ng mabagal na paglago habang sumisirit ang implasyon.
Sa pahayag ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Nobyembre 9, malayo sa unang itinayang 2.8% na paglago sa ikatlong kwarto ang aktwal na inabot ng 2.1% GDP growth. Mas mababa rin ito sa 2.4% GDP growth noong ikalawang kwarto. Ito na ang ika-limang sunud-sunod na kwarto kung saan naitala ang pagbagal ng ekonomya ng bansa.
Sa pagsusuri ng IBON, ang Q3 growth ang pinakamabagal sa nakalipas na 17 taon (hindi kasama ang panahon ng pandemyang Covid-19). Ito rin ang pinakamababang pag-unlad sa Southeast Asia, dahilan kung bakit tinatagurian ngayong “economic laggard” ang Pilipinas sa rehiyon. Karugtong nito ang pinakamataas na antas ng kawalan ng trabaho na nasa 5.4% at pinakamabilis na pagtaas ng presyo ng bilihin, sa 7.8%, sa rehiyon. Dagdag pa rito ang paghina ng paggastos ng mga sambahayan o household spending, na bumagal nang 2.4% dahil sa nakapakong sahod, napakababang kita at matataas na presyo ng bilihin.
Kasabay ng pangkalahatang pagbagal ng ekonomya, iniulat din ng PSA na bumagsak nang 5% ang produksyon sa agrikultura at pangingisda sa ikatlong kwarto. Dahil dito, ang ambag ng agrikultura sa kabuuang GDP ng bansa ay bumaba sa 6.9%, pinakamaliit mula 1991. Bumagsak rin ang sektor ng pagmamanupaktura, na gumapang lamang sa 0.7% na paglago.
Pangunahing humila pababa sa agrikultura ang malaking pagbagsak sa produksyon ng palay (-17.8%) at mais (-17.4%), kasabay ng pagliit ng sektor ng pangingisda (-8.5%). Isinisisi ito ng Department of Agriculture (DA) sa masamang panahon, panimula ng El Niño, at ang patuloy na pagtaas ng gastusin sa mga abono at langis. Ang totoo, matagal nang walang komprehensibong plano at paghahanda ang reaksyunaryong estado sa pagharap ng mga kalamidad. Wala itong ibinibigay na makabuluhang suporta at subsidyo. Sa halip na palakasin ang lokal na produksyon, sadyang pinapatay ng estado ang sektor sa pagbaling nito sa malakihang importasyon ng pagkain at mga produktong pang-agrikultura. Sa ngayon, nakatakdang mag-import ang rehimen ng milyun-milyong metriko toneladang bigas, mais, karne at kahit isda. Isinara nito ang mga pangisdaan, sa tabing ng paglaban sa “overfishing,” para bigyan-daan ang importasyon ng ordinaryong mga isda tulad ng galunggong.
Muling idiniin ng IBON na hindi lamang dahil sa mga panlabas na krisis tulad ng gera sa Middle East o pagtaas ng presyo ng langis ang dahilan ng pagbagal ng ekonomya. Dulot ito ng malalim at matagal nang mga kahinaan ng ekonomya at sistema ng bansa, anito.
Nagbabala ang grupo na masasadlak ang ekonomya sa istagplasyon hanggang walang makabuluhang suporta para palakihin ang produksyong agrikultural, suporta sa maliliit na negosyo at paglaki ng kakayahan ng mga pamilya na gumastos.
Ayon pa sa IBON, ang mga patakaran ng rehimeng Marcos ay lalo lamang nagpapalala sa kawalan ng trabaho at nagpapababa sa tunay na halaga ng kita ng milyun-milyong Pilipino. Ang labis na pagsalig sa mga overseas remittance, BPO, real estate, at dayuhang pamumuhunan habang pinababayaan ang lokal na agrikultura at pagmamanupaktura ang pangunahing dahilan ng kawalang pag-unlad ng ekonomya ng bansa.
Dahil sa pabagsak na padron ng pag-unlad ng ekonomya at pagsadsad nito sa 2.1% sa ikatlong kwarto ng taon, tiyak nang hindi maaabot ng estado ang target nitong 3.5% hanggang 4.5% GDP growth para sa buong taon ng 2026.
The post Pagsadsad ng GDP sa 2.1% sa ikatlong kwarto ng taon, pagtungo na sa istagplasyon appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

