Mariing tinututulan ng komunidad ng Guina-ang at Mainit sa Bontoc, Mountain Province ang planong Mainit-Sadanga Geothermal Project (MSGP) ng Energy Development Corporation (EDC) ng pamilyang Lopez.

Sa magkahiwalay na resolusyon na inilabas ng mga komunidad noong Setyembre 13 at Oktubre 13, inilahad na tinututulan nila ang naturang proyekto at binabawi nila ang kanilang naunang pagsang-ayon sa Memorandum of Agreement na nilagdaan nang hindi alam at walang pag-apruba ng mamamayan. Una nang tumutol sa proyekto ang Barangau Maligcong.

Sasaklawin ng MSGP ang nasa 11,497 ektaryang lupain sa mataas bahagi ng Bontoc at naglalayong lumikha ng 80 megawatt na kuryente.

Pinuri at buong-tatag na sinuportahan ng Cordillera Peoples Alliance (CPA) ang desisyon ng mga komunidad. Anito, ang pagpapasya ng tatlong komunidad na tutulan ang proyekto ay isang kongkretong pagsasabuhay ng karapatan sa pagpapasya sa sarili na dapat kilalanin at suportahan ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).

Ayon sa alyansa, kasabwat ang NCIP sa mapanlinlang na proseso ng Free, Prior and Informed Consent (FPIC) na dinaanan ng EDC, nang ituring nitong iisang lupaing ninuno ang mga komunidad ng Guina-ang, Mainit, Dalican, at Maligcong.

Anito, isa itong pag-shortcut at tahasang paglabag sa FPIC. Walang tinatawag na “Upland Bontoc Ancestral Domain.” Ang bawat tribu ay may sariling lupaing ninuno, na nangangahulugang dapat itong magkaroon ng sariling proseso ng FPIC sa pamamagitan ng mga katutubong institusyong sosyo-pulitikal nito.

Nagpakilala ang NCIP ng maling konsepto at pagsasagawa ng FPIC na mariing tinanggihan ng mga pamayanan. Sa katunayan, may malaking papel ang NCIP sa mga paglabag sa FPIC sa Cordillera at sa iba pang bahagi ng bansa.

Nananawagan ang CPA ng imbestigasyon sa mga maanomalya at tahasang paglabag sa FPIC ng NCIP at pagpapanagot sa mga responsable sa ahensya. Dapat din papanagutin ang Department of Energy sa paggawad ng proyekto sa EDC nang walang kaalaman at FPIC ng mga apektadong pamayanan.

Hinimok din ng alyansa ang lokal na gubyerno ng Bontoc na agarang bawiin ang pag-endorso nito sa geothermal prospecting o paghahanap ng mapagkukunan ng heotermal na enerhiya ng EDC. Anito, kwestyunable ang pagendorso ng lokal na gubyerno sa EDC noong Agosto 2024, gayong dapat munang hiningi ang pahintulot ng mga kinauukulang komunidad.

“Katatapos lamang noong Oktubre ng Buwan ng mga pambansang minorya. Higit pa sa mga pagtatanghal na pangkultura, maging tapat tayo sa diwa ng mga karapatan ng mga katutubo sa pamamagitan ng pagtatanggol sa ating mga lupaing ninuno laban sa pandarambong at pagsasamantala,” pahayag ng Cordillera Peoples Alliance.

The post Planong proyektong geothermal sa Bontoc, tinututulan ng mamamamayan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.