Mariing kinundena ng Cordillera Peoples Alliance (CPA) ang kampanya ng Armed Forces of the Philippines na ideklara ang organisasyon bilang persona non grata (PNG) sa mga barangay sa Mountain Province.
Noong Hulyo 24, idineklara ng Barangay Pide sa Sagada, Mountain Province ang CPA na PNG.
Sa pakikipagdayalogo ng CPA sa mga upisyal ng Barangay Pide noong Oktubre 16, inilahad ng mga upisyal na pinilit sila ng 102nd IB na maglabas ng resolusyon (Barangay Resolution No. 13) laban dito. Inilabas na pinirmahan ito noong Hulyo 24. Kalaunan, binawi ang resolusyon sa pamamagitan ng paglabas ng Barangay Resolution No. 20 na pinirmahan noong Oktubre 13.
Ayon sa resolusyon, ang “Resolution 13” ay nilagdaan ng mga myembro nito ngunit hindi iniharap, tinalakay, at pinagbotohan sa isang sesyon, at na walang umiiral na katitikan hinggil sa pagpapatibay nito, kaya’t dapat itong bawiin.
“Isang kaduwagan sa panig ng AFP ang pag-atake sa CPA, isang sibilyang organisasyong walang armas. Dapat ilaan ng AFP ang mga tauhan nito sa pagtatanggol sa bansa laban sa mga banta sa soberanya nito, gaya ng kasalukuyang kinahaharap sa West Philippine Sea, sa halip na manakot ng mga sibilyan,” pahayag ng CPA.
Pinuri naman ng CPA ang mga upisyal ng Barangay Pide sa pagbawi sa resolusyong nagdedeklarang PNG ang CPA at sa paghiling nito ng dayalogo sa alyansa upang linawin ang mga pangyayaring nakapalibot sa paglagda sa nasabing resolusyon.
Ayon sa mga upisyal, inutusan ng mga sundalo ang mga istap ng barangay na i-print ang dokumento at papirmahan ng walang paliwang tungkol saan ito. Kalaunan, ang resolusyon ay nasama sa mga dokumento na nakatakdang pirmahan ng mga upisyal sa araw na iyon. Hindi ito dumaan sa deliberasyon o pag-apruba ng mga upisyal.
Sa dayalogo, ipinaliwanag ng alyansa ang kahulugan ng PNG at implikasyon nito laluna sa mga teritoryo ng tribung Pidlisan na kinabibilangan ng mga residente ng Barangay Pide at iba pang aktibong myembro ng CPA.
“Dapat magsilbing aral sa iba pang barangay ang karanasan ng Barangay Pide upang hindi sila lumagda sa mga dokumento na lumalabag sa mga karapatan ng mamamayan,” paliwanag ng alyansa.
Hinihimok ng CPA ang mga konseho ng barangay na huwag hayaang diktahan ng militar ang kanilang mga gagawin. Dapat igiit at itaguyod ang kapangyarihang sibilyan laban sa mga ipinipilit ng militar.
PNG ay porma ng Redtagging
Noong Agosto 2021, naglunsad ng imbestigasyon ang Commission on Human Rights-Cordillera Administrative Region matapos maghain ng reklamo ang Dekdeken laban sa Regional Office-Cordillera (PRO-COR), sa mga pambansa at rehiyunal na task force to end local communist armed conflict, aJHut ilang lokal na gubyerno dahil sa pagdedeklara ng mga ito sa CPA bilang persona non grata.
Nilinaw ng CHR na ang isang resolusyon, di-tulad ng ordinansa, ay nagpapahayag lamang ng saloobin ng isang lehislatibong katawan at walang bisa at epekto ng batas. Gayunman, kailangang sumunod ang mga lokal na pamahalaan sa mga legal na rekisito at tiyakin ang makatarungang proseso sa pagpapatibay ng mga resolusyon.
Natuklasan sa imbestigasyon na ang mga kasapi ng CPA ay hindi binigyan ng abiso o pagkakataong marinig ang kanilang panig bago inilabas ang mga deklarasyon.
Ayon sa CHR, ang pagparatang sa CPA na may ugnayan sa Communist Party of the Philippines, New People’s Army, at sa National Democratic Front of the Philippines, at pag-akusa sa alyansa bilang isang organisasyong nagsasagawa ng propaganda at pangangalap ng mga kasapi para sa organisasyong tinukoy bilang terorista ay maaaring maglantad sa kanila sa paghihinala at iba pang mapaminsalang kahihinatnan.
Napagpasyahan ng CHR na ang mga deklarasyong ito ay isang anyo ng red-tagging. Ang naturang resolusyon ay maaaring maging isang anyo ng diskriminasyon batay sa paniniwala o opinyong pampolitika at maaaring magsapanganib sa mga karapatan ng mga kasapi ng CPA sa buhay, kalayaan, at ari-arian.
Inirekomenda nitong muling pag-aralan ng kinauukulang mga lokal na pamahalaan ang kanilang mga resolusyon, at binigyang-diin ang pangangailangang igalang ang mga karapatan ng bawat indibidwal at ang pagiging patas ng proseso sa kabila ng mga pagkakaiba sa pananaw na pampulitika.
Ang CPA ay alyansa ng mga organisasyon ng mga katutubo at ng iba’t ibang sektor sa mga lalawigan at lunsod ng Cordillera na nagtataguyod sa kanilang karapatan sa lupaing ninuno, pagpapasya sa sarili pangangalaga sa kalikasan at karapatang-tao.
Ayon sa alyansa, ang pagdedeklara sa kanila bilang PNG ay katumbas ng pagdedeklarang hindi malugod na tinatanggap ang mga kasapi nito sa sarili nilang mga pamayanan.
The post AFP, nasa likod ng pagdeklara ng PNG laban sa Cordillera Peoples Alliance appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

