Naglunsad ng protesta ang mga residente ng Marala Bridge 2, Barangay 128 sa Maynila noong Nobyembre 5 para tutulan ang bantang demolisyon sa kanilang komunidad para bigyang daan ang ekspansyon ng NLEX. Noong Nobyembre 4, binantaan ng Department of Engineering and Public Works Manila ang 50 pamilya sa komunidad na mayroon na lamang pitong araw bago ang demolisyon.
Ayon sa mga residente, walang naganap na konsultasyon at sadyang hindi sila pormal na isinailalim sa sensus sa sana’y kikilala sa kanila bilang mga rehistradong residente sa lugar. Kinukwestyon nila ang ipinataw sa kanila na “non-residency” ng Barangay 128, na naging batayan upang hindi sila kilalanin bilang mga lehitimong residente sa erya.
Kasabay ng protesta, nagsumite ang mga residente ng petisyon na naglalaman ng kanilang pagtutol sa demolisyon. Inihayag rin nila ang maayos at makatarungang proseso, sakaling matuloy ang paggiba ng kanilang mga bahay. Nanawagan sila ng pagbibigay ng kumpensasyon mula sa gubyerno, at pagpapalawig ng pitong araw na palugit na ibinigay sa kanila.
Anang mga residente, maging ang batas na RA 7279 o Urban Development and Housing Act of 1992 (UDHA) ay hindi sinunod para sa demolisyon. Alinsunod dito, kinakailangang magkaroon muna ng Pre-Demolition Conference at 30-araw na pabatid sa mga residente bago mapalayas.
Samantala, binatikos ng mga residente ang panlalansi ng mga ahensya ng gubyerno para pumirma sa mga dokumento ng “relokasyon” ang mga madedemolis noong Nobyembre 6. Anila, nilalabag nito ang balangkas at alituntuning itinakda ng batas.
Nakiisa sa pagtutol at pagkilos ng mga residente ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Manila. “Hindi hayop na pinapalayas ang mga residente sa tulay ng Marala. Hindi basura ang maralita na winawalis kapag may proyekto,” ayon sa grupo.
Ayon pa sa Bayan-Manila, ang demolisyon isa lamang sa marami pang nagbabantang demolisyon sa Maynila. “Patuloy ang sapilitang pagpapaalis ng gubyerno sa mga maralitang taga-lungsod upang bigyang-daan ang mga proyektong ‘pangkaunlaran’ nito,” anito.
Dagdag ng grupo, bilyun-bilyong piso ang inilalaan ng estado para sa mga proyektong nagtataboy sa mga mamamayan habang walang sapat na pondo para sa disenteng pabahay, aksesibleng serbisyong pangkalusugan, disenteng trabaho, at nakabubuhay na sahod. “[Ito ay] burukrata-kapitalistang sistema na dapat ng wakasan,” ayon sa Bayan-Manila.
The post Demolisyon para sa ekpansyon ng NLEX sa Maynila, binatikos ng mga residente appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

